PARA kay House Speaker Faustino Dy III, higit na angkop tiyakin ang kaligtasan ng mga kababaihan at mga kabataan laban sa kultura ng karahasan.

“I vow to fight VAW (Violence Against Women). We vow to fight VAW,” wika ni Dy sa isa pahayag.

Panawagan ni Dy — kolektibong pagkilos ng sambayanan sa pagtataguyod ng karapatan ng mga nabanggit na sektor ng lipunan.

Aniya, ang karahasan laban sa kababaihan at kabataan ay kadalasang trahedyang nakatago sa likod ng saradong pinto.

Pagtitiyak ng lider kongresista, isinasaalang-alang ng Kamara ang rekomendasyon para sa pagrepaso ng Anti-VAWC Law upang matukoy ang mga kakulangan sa pagpapatupad at gawing mas madaling maabot ng mga nakaligtas ang suporta.

“Sa Kamara, pakikinggan natin ang mga rekomendasyon mula sa pagrepaso ng Anti-VAWC Law. Kailangan nating malaman kung saan nagkukulang ang batas sa aktwal na pagpapatupad at kung ano ang maaari nating gawin upang mas madaling maabot ang tulong,” wika ni Dy sa pagbubukas ng International Day for the Elimination of Violence Against Women exhibit.

Tampok sa exhibit ang mga paunang natuklasan mula sa pag-amyenda ng Anti-VAWC Law na isinagawa ng Gabriela Women’s Party kasama ang mga kinatawan ng distrito, mga lokal na pamahalaan, at iba pang stakeholder.

Gamit ang visual storytelling, ipinakita kung paano naaapektuhan ng pang-aabuso ang kababaihan, kabataan, at mga komunidad. Ibinahagi rin sa pagtatanghal ang impormasyon kung saan maaring magsumbong at humingi ng tulong.

Nagpasalamat naman si Speaker Dy kay Gabriela Women’s Party Rep. Sarah Elago, sa House Committee on Women and Gender Equality, at sa Association of Women Legislators Foundation, Inc. sa pag-oorganisa ng eksibit.

Dumating ang mensahe matapos aprubahan ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill No. 11264, na naglalayong palawakin ang saklaw ng Safe Spaces Act at palakasin ang proteksyon laban sa gender-based sexual harassment.

Sa 207 miyembrong bumoto pabor sa panukla, isinama sa kategorya ng mga safe spaces ang mga rural areas kabilang ang mga bukirin at sakahan at mga baybaying lugar. Inuutos din ang pagtatanggal ng anumang website, webpage, online account, digital content, o iba pang online material na lumalabag sa Safe Spaces Act.

Sa ilalim ng panukalang-batas, ang mga lalabag sa Safe Spaces Act, kabilang ang mga dayuhan, ay haharap sa parusang apat hanggang anim na taong pagkakakulong o multang hindi bababa sa P250,000, o pareho.

May nakalaan din mga parusa para sa mga opisyal at empleyado ng gobyerno na nag-uudyok, nagtataguyod, o nanghihikayat ng sexual harassment, pati na rin ang mga panlalait na misogynistic, transphobic, homophobic, at sexist.

Para kay Committee on Women and Gender Equality Chairperson at Laguna Rep. Ann Matibag, “ang pagpasa ng panukalang-batas (ay nagpapatibay sa pangako ng Kapulungan ng mga Kinatawan) sa isang lipunan kung saan itinataguyod ang dignidad, pagkakapantay-pantay, at pananagutan, at kung saan walang sinuman, anuman ang kasarian, oryentasyon, o pagkakakilanlan, ang dapat magtiis sa pambabastos o pang-aabuso.”

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *