MAS mainam humarap si Vice President Sara Duterte sa pagbubukas ng pagdinig ng House Justice Committee para sa isang faceoff sa nagpakilalang bagman na si Ramil Madriaga.
Ito ang giit ng tatlong ranking House officials kay Duterte sa sinasabing “weakest link” kaugnay ng kinakaharap na impeachment complaints sa Kamara.
“Kung sinasabi nila na weakest link si Mr. Madriaga, ang remedyo rito hindi po yung press con kundi yung April hearings,” kantyaw ni House Committee on Public Accounts Chair at Bicol Saro Partylist Rep. Terry Ridon sa bise presidente.
“Para pasinungalingan ang sinasabi ni Mr. Madriaga, dapat humarap ang pangalawang pangulo sa April 14 House impeachment hearings,” dugtong ni Ridon.
“Hindi po sa pamamagitan ng isang press conference ng kanyang abogado… Kasi nga ho, ‘yun po talaga ang plataporma para mabigyan ng pagkakataon ang atin pong pangalawang pangulo na ilahad ang kanya pong depensa laban sa mga paratang sa kanya.”
Ayon kay Ridon, walang personalidad si Atty. Salvador Panelo sa impeachment charges na isinampa laban sa bise-presidente lalo pa’t siya’y abogado lamang sa isinampang perjury complaint na inihain ng pangalawang pangulo laban kay Madriaga.
“I don’t think meron po siyang poder para magbigay ng komentaryo doon sa pagtakbo ng defense panel strategy dito sa usapin po na ito. Ang dapat po nagsasalita diyan ay miyembro po ng Duterte defense panel sa impeachment proceedings, hindi po yung abogado… para sabihin niya na weakest link si Mr. Madriaga,” sambit pa ng House panel head.
Sa panig ni House Committee on Good Government and Public Accountability Chair Joel Chua na miyembro ng Justice committee, sinabi niyang kung naninindigan ang kampo ni Duterte na sinungaling at weakest link si Madriaga, mas lalo nilang dapat harapin ang pagdinig para mapatunayan iyon.”
“Hindi pwedeng sa labas lang magsalita, pero sa loob ng proseso ay umiiwas. If Atty. Panelo believes Mr. Madriaga is the weakest link, then all the more reason for Vice President Sara Duterte to attend the hearing and test that claim under oath. Hindi po sa press briefing dinadaan ang credibility, tama na ang puro propaganda—sa ebidensya at sa proseso po natin daanin iyan,” dugtong ni Chua.
“The proper venue to challenge any witness—including Mr. Madriaga—is the House hearing. Hindi po sapat ang sabihing mahina ang witness kung hindi naman hinaharap at sinusubok sa tamang forum. Due process works both ways—may pagkakataon si VP Sara na dumepensa sa committee,” dagdag ng Manila solon.
Pinuna rin ni Chua ang estratehiya ng bise-residente na dumulog sa Korte Suprema para harangin ang impeachment process at kasabay ng pagsira sa kredibilidad ng testigo.
“Magkaiba po ang sinasabi at ginagawa. On one hand, sinasabing mahina ang witness. On the other hand, humihingi ng TRO at hindi naman humaharap sa pagdinig kung saan pwedeng patunayan iyon. Kung talagang mahina ang ebidensya, bakit hindi harapin?”
Samantala, naninidgn naman si Akbayan Partylist Rep. Chel Diokno na ang testimonya ni Madriaga, ang sinasabing dating bagman ni Duterte ay krusyal sa pagtukoy kung dapat isampa sa Senate impeachment court ang mga reklamo laban sa bise-presidente.
“Kailangan namin makita at marinig mismo sa bibig niya kung ano ang alam niya tungkol sa nakalagay sa kanyang salaysay. Kung wala naman siyang alam at puro haka-haka lang, masasabi namin na hindi dapat matuloy ang kaso. Pero kung lumabas na totoo ang mga sinasabi niya sa kanyang affidavit, malaking bagay iyon,” ani Diokno.
