MATAPOS ang pagsalang ng nagpakilalang bagman ni Vice President Sara Duterte, nakatakda naman isunod ng House Justice Committee ang “unexplained wealth” at Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ng pangalawang pangulo.
Ayon kay House panel chairperson at Batangas 2nd District Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro, pagtutuunan sa susunod na pagdinig sa Abril 22 ang SALN, gayundin ang mga rekord at dokumento mula sa Bureau of Internal Revenue (BIR) at Securities and Exchange Commission (SEC) ng mga business interest ng bise presidente at ng abogadong esposo na si Mans Carpio.
Ibinahagi rin ni Luistro ang napipintong pagharap ng kinatawan mula sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) at ni former Sen. Antonio “Sonny” Trillanes para patotohanan ang umano’y mga anomalya at kaduda-dudang bank transactions ng pamilya Duterte mula 2006 hanggang 2025.
Sa panig ni Bicol Saro Partylist Rep. Terry Ridon, na tumatayong punong-abala ng House Committee on Public Accounts, sinabi niyang limitado lamang ang sisilipin nilang record sa ‘flagged bank transactions’ ng mag-asawa habang sa SALN makikita kung totoong nagkaroon ng hindi maipaliwanag na yaman ang bise-presidente.
“The reason why it’s limited to Mans Carpio and Vice President Duterte [is] simply because when you build the forensics analysis there, it should only be limited to them both kasi the net worth in the SALN should be based only on the wealth of these two parties,” paliwanag ni Ridon.
“Kailangan ho kay Mr. Mans Carpio lang and kay Vice President Sara Duterte kasi yan ‘yung ibabangga natin dun sa net worth niya and the net worth can be built from the assets of both,” dagdag pa niya.
Matatandaan na nakapaloob sa impeachment complaints ang pagkakaroon ng P111 million deposits sa iba’t-ibang bangko sa Davao City at Metro Manila mula 2006 hanggang 2015, na ang nasabing halaga ay hindi umano tugma sa kabuuang sweldo na natanggap ni Duterte na nagsilbing vice-mayor at mayor ng Davao City.
Batay sa inisyal na impormasyon, ang net worth ng bise-presidente ay lumobo mula sa P13.8 million noong 2007 sa P44.8 million noong 2017 sa kabila nang pagkakaroon lamang nito ng P2 million annual salary.
