TIWALA ang pamunuan ng Kamara na malaki ang maitutulong ng Komprehensibong Alalay sa Livelihood, Inflation, Negosyo and Goods Assistance (KALINGA) Program sa sektor ng paggawa, transportasyon at agrikultura.
Sa isang pahayag, hinikayat nina House Speaker Faustino Dy III at Majority Leader Sandro Marcos ang mga kapwa mambabatas na pagtibayin ang House Bill 8834 na nagsusulong ng maagap na tugon sa mga sektor na lubhang apektado ng krisis bunsod ng patuloy na hidwaan sa Middle East.
Ayon kay Dy, bahagi ng nilalaman ng naturang panukala ang pagbuo ng Targeted Assistance Component, na naglalayon bigyan ng cash assistance ang low-income households, minimum wage earners, kasama na ang fuel subsidies sa drivers, farmers, fisherfolk, at logistics providers, at transport support sa mga manggagawa at iba pa.
Anang lider ng kamara, target ng Kalinga Act iwaksi ang tinatawag na “blanket subsidies” sa bisa ng mga probisyong nagbibigay katiyakan na ang government resources ay magagamit sa kung saan lamang ito higit na kinakailangan.
“Hindi pare-pareho ang tama ng fuel crisis. Mas mabigat ang epekto nito sa low-income families, drivers, farmers, at workers. Kaya kailangan targeted ang tulong. Financial assistance must go to where it is needed most,” wika ng kongresista mula sa lalawigan ng Isabela.
Sa pamamagitan aniya ng targeted intervention, mapoprotektahan ang paggamit sa pondo ng gobyerno.
“This component of the measure will help families cope with rising costs while keeping support focused, time-bound, and sustainable. Nais natin makatulong sa ating mga kababayan nang hindi dumadagdag sa utang ng ating gobyerno. We must not look at the situation now but also be mindful of the future,” dugtong pa niya.
Kaya naman sa isinasagawang LEAD Joint Committee hearings, binigyan-diin ni Dy na bukod sa pagtukoy sa kung anong sektor ang kailangang maayudahan, sinisiguro rin makakaabot ang tulong sa karapat-dapat na benepisyaryo.
“Sa mga hearing natin sisikapin din natin na makahanap ng paraan upang masigurado na ang financial assistance pupunta sa nangangailangan. We need to fine tune systems to prevent leakages, redundancies, or potential graft,” dagdag ng House Speaker.
Bukod sa Targeted Assistance Component, nakapaloob din sa Kalinga Act ang Fuel Price Stabilization, Energy Supply Security and Inventory Management, Essential Goods and Logistics Stabilization, MSME Energy Relief and Business Continuity, Energy Conservation and Demand Reduction at Flexible Fiscal and Regulatory Measures.
Hangad din aniya ng panukala masiguro na mayroong sapat na suplay ang bansa sa gitna ng global oil market crisis.
