KUMBINSIDO ang isang ranking House official na lalabas ang katotohanan hinggil sa sinasabing nakaw at hindi maipaliwanag na yaman ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Bicol Saro partylist Rep. Terry Ridon, magiging kapanapanabik ang mga susunod na tagpo sa pagpapatuloy ng clarificatory hearing ng House Justice Committee kaugnay ng impeachment complaints na inihain laban sa pangalawang pangulo.
“Dahil wala nang star witness na pag-uusapan. Hindi na mga personalidad ang sentro ng pagdinig… mga dokumento na mismo ang magsasalita,” wika ng mambabatas.
Dagdag ng Bicol Saro partylist lawmaker, isasalang at bubusiin ng mga miyembro ng House justice panel ang financial documents, tax records, at bank transactions na may kaugnayan sa bise-presidente at maging sa asawa nitong si Atty. Manases Carpio.
Paliwanag ng kongresista, sa pamamagitan ng mga nasabing dokumento ay maaari makita kung may paglobo sa yaman ni Duterte na higit pa sa P88.5 million na idineklara sa 2024 statement of assets, liabilities and net worth (SALN).
“Kung may malaking pagkakaiba mula sa P88 million base sa ITR, bank records, at financial statements ng SEC, may problema na yun. Kailangan magtugma ang idineklara niyang halaga ng kanyang kayamanan sa SALN at sa records ng BIR at SEC,” sambit ni Ridon.
“Kung makita ng komite na ang totoong kayamanan ng pangalawang pangulo ay halos doble na ng kanyang SALN, malinaw na pwede itong maging sapat na batayan para sa probable cause ng unexplained wealth.”
Hinggil naman sa mga naunang pagsisiwalat ni former Sen. Antonio Trillanes IV na mayroong mga hindi idineklarang bilyong halaga ng bank transaction ang bise-presidente, sinabi ni Ridon na kailangan munang matukoy ng Justice committee kung totoo ito.
Nauna nang pinadalhan si Trillanes ng subpoena at nagkumpirmang dadalo sa pagdinig bukas hinggil sa umano’y P2.4 billion bank transactions ng pamilya Duterte mula taong 2006 hanggang 2015.
Kabilang dito ang nasa P111 million deposito mula sa iba’t-ibang bangko sa Davao City at Metro Manila, halaga na hindi umano naaayon sa sweldo bilang vice-mayor at pagiging mayor ng Davao City ng bise-presidente.
Sa panig ni Ridon, nasilip niya ang aniya’y P50 million discrepancy sa idineklarang yaman ni Duterte.
Bukod kay Trillanes, ipinatawag din sa pagdinig ang mga opisyal ng Office of the Ombudsman, Securities and Exchange Commission (SEC), Bureau of Internal Revenue (BIR), at Anti-Money Laundering Council (AMLC).
