HINDI na ikinagulat ng marami ang resulta ng pinakabagong survey ng “presidential contenders” na kinabibilangan ni Vice President Sara Duterte at iba pang prominenteng personalidad sa larangan ng politika.
Para kay House Senior Majority Leader Lorenz Defensor, malaking dagok kay Duterte ang pagtanggi humarap sa pagdinig ng House Justice Committee kaugnay ng mga inihaing impeachment complaints sa Kamara.
Hindi rin umano nakabuti sa bise presidente ang pagmamatigas sagutin ang sandamakmak na paratang ng katiwalian at tagong yaman.
Ayon kay Defensor, hindi nagkataon lamang ang parehong resulta ng magkahiwalay na surveys ng Pulse Asia at OCTA Research na aniya’y patunay ng mas mataas na antas ng kamalayan ng mga mamamayan sa gumugulong na impeachment proceedings laban sa bise presidente.
“Yes, pwedeng bumaba ang rating ng vice president dahil walang sagot sa impeachment. Tandaan niyo, maraming Pilipino ang nanonood sa TV, sa YouTube, nakikinig sa radio ng live ng mga committee hearings. Sa telepono lang, hawak-hawak mo, pwede ka na manood,” wika ni Defensor.
Giit ng ranking House official, hindi na dapat mabigla ang kampo ni Duterte kasunod ng paglabas ng mga mabibigat na ebidensya sa maling paggamit ng pondo, bribery, corruption, at grave threats, at patuloy na pagtanggi sagutin mga alegasyon.
“And the more na may lumalabas na ebidensyang hindi [sinasagot] ng vice president… kahit papaano ang mga congressman at ang mga Pilipino, mas nakakaintindi kung ano ‘yung ebidensya, kaya siguro bumaba ang kanyang rating,” dagdag pa ni Defensor.
Sa pinakahuling Pulse Asia survey na isinagawa mula Pebrero 27 hanggang Marso 2, 51 percent na lang ang puntos ni Duterte kumpara sa 43% na nakuha ni Naga City Mayor at former Vice President Leni Robredo.
Halos kahalintulad din ang resulta ng March 19 to 25 survey ng OCTA Research kung saan 46% na lang ng mga respondents ang pabor sa bise-presidente habang si Robredo ay mayroong 35%.
Kapansin-pansin din ang “statistical tie” nina Duterte at Sen. Raffy Tulfo sa 6-way presidential run.
Sa mga nakaraang national surveys para sa 2028 presidential preferences, milya-milya ang agwat ni VP Sara sa iba pang potential contenders.
“It is a welcome development na ang awareness ng tao sa mga issues, especially on corruption and on the impeachment is better. Mas magandang mas transparent ang nakikita ng taong ebidensya para maging batayan din nila ‘yun for 2028,” bulalas ni Defensor.
