BINIGYAN ng pagkilala ni Speaker Faustino Dy III ang mga tagapagtanggol sa likod ng Public Attorney’s Office (PAO).
Sa isang kalatas, tinawag na “shield of justice ang mga public attorney na kasangga ng mga maralitang karaniwang pinagkakakitaan ng hustisya.
Kasabay ng pagdaraos ng PAO’s 9th Grand National Convention sa World Trade Center, ginawaran Lady Justice Statuette si Speaker Dy bilang Outstanding Speaker of the House of Representatives.
Sa isang video message, ibinahagi naman ni Dy ang pagkilala sa buong Kamara na patuloy na nagsusumikap pairalin ang hustisya at magandang kabuhayan ng mga mamamayan.
“But more than the award, I value what it represents. Lady Justice stands for fairness, balance, and truth. Araw-araw, kayo sa PAO ang nagbibigay-buhay sa mga prinsipyong ito. Kayo ang boses ng mga walang kakayahang ipagtanggol ang sarili. Kayo ang nagpapatunay na ang hustisya ay para sa lahat, hindi lamang sa may kakayahan.”
Giit ng House Speaker, dapat tiyakin na ang batas o hustisya ay ipinagkaloob sa mga taong higit na nangangailangan.
“Naalala ko ang sinabi ni Pangulong Ramon Magsaysay: ‘I believe that he who has less in life should have more in law.’ It is a simple yet powerful message,” aniya pa.
“Kung sino ang kapos sa yaman, koneksyon, o kapangyarihan—siya ang mas dapat pinangangalagaan ng batas. At ito ang diwa ng inyong serbisyo,” dugtong ng lider ng Kamara.
Para kay Dy, malaking papel ang ginagampanan ng PAO para tiyakin mananaig ang hustisya higit lalo sa hanay ng mga Pilipinong walang kakayahan magbayad ng abogadong tatayong tagapagtanggol sa husgado.
“You are the shield of justice for our people. You help level the playing field and ensure that the scales of justice remain balanced—especially for those who need it most,” anang Isabela solon.
“Bilang Speaker, naniniwala ako na ang batas ay hindi lamang dapat ipinapasa—dapat ito ay nararamdaman. At sa inyong gawain, ang hustisya ay nagiging totoo sa buhay ng ating mga kababayan,” dagdag niya.
Panghuli, sinabi ni Speaker Dy na ang tinanggap niyang pagkilala ay nagsisilbing paalala sa kanya ng pagkakaroon ng magkatuwang na responsibilidad ng Kamara at PAO para sa pagtataguyod ng batas.
“Kaya ang parangal na ito ay tinatanggap ko hindi bilang personal na pagkilala, kundi bilang paalala ng ating mas malaking tungkulin—to work together so that justice is never delayed, never denied, and never out of reach.”
