KUNG pagbabatayan ang bilang ng mga pirma sa kinasang online signature campaign, higit na angkop na siputin ni Vice President Sara Duterte ang napipintong impeachment trial sa senado.
Ayon kay Sociology at Political Science Professor Louie Montemar, pumalo na sa halos 7 million Filipinos ang nagnanais umusad ang matinong impeachment trial na walang bahid politika
Giit ni Montemar, na tumatayong punong-abala ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) Advocacy Center, ang mabilis na pagtugon ng mga mamamayan sa naturang signature campaign ay isang malakas na panawagan sa pagtataguyod ng pananagutan sa hanay ng mga opisyal ng pamahalaan.
“At tingin ko alam nilang lahat na kahapon may nag-launch ng isang online signature campaign at sa loob lamang ng two to three hours may lumabas na halos 3 million pirma na nanawagan na ituloy ang impeachment at i-impeach si Sara… ngayong madaling araw chineck ko, nasa 7 million na,” anang PUP prof.
“May 7 million Pilipino ngayon na gusto makita matuloy ang trial at ma-impeach si Sara, i-multiply mo ’yan by five dahil ang average Filipino family size ay five to six. So, that means there are 35 million Filipinos out there at least who want to see the trial proceed at the very least,” dagdag niya.
Aniya, ginawa ang online campaign kasunod nang inaasahang pagtugon ng Senado sa Articles of Impeachment na naglalaman ng mga akusasyon ng maling paggamit ng confidential funds, pagkakaroon ng unexplained wealth, panunuhol at pagtatangka umano ng bise-presidente.
Diin ng akademista, ang mabilis na paglawak ng online signature campaign ay magbigay ng kamalayan sa mga senador na masusing nakamasid sa kanila ang publiko.
Naniniwala rin si Montemar na mas magiging maingat na ang mga senador sa pagboto na kalakip ng sakdal laban sa pangalawang pangulo.
“At tingin ko sa Lunes, or sa 18 kung matuloy ang trial, magiging maingat ang mga senador. Higit sa lahat ang mga trapo na ’yan ay politiko. Whether progressive or traditional sila, politiko ang mga ’yan,” bulalas niya.
Dagdag pa ni Montemar, ang magiging aksyon ng Senado sa usapin ng impeachment ay hindi lamang aniya nakabatay sa mga legal na argumento, dahil magkakaroon din ng timbang ang lumalawak na panawagan ng publikong nagnanais ng pagbusisi sa mga ebidensya, gayundin sa paliwanag ng impeached official.
Samantala, sinabi naman ni House prosecutor at Bicol Saro Partylist Rep. Terry Ridon na sa hanay ng mga mambabatas, mas marami ang pabor patalsikin si Duterte sa pwesto.
Maging ang mga kaalyado aniya ng pangalawang pangulo, pabor sa impeachment ni VP Sara.
“‘Yun pong 257 ay 80% ng kabuuan po ng Kamara. So overwhelming po ‘yung boto to impeach the Vice President,” wika ni Ridon sa ginanap na Saturday News Forum sa Dapo Restaurant, Quezon City.
“At tama po kayo na even within the strongest bailiwicks of the Vice President and Dutertes within Mindanao, within Cebu, within Visayas, hindi po ito nag-turn out for the Vice President,” dugtong niya.
Base sa official House tallies, 43 sa 50 kongresista mula sa Visayas ang pabor sa impeachment, habang 41 naman sa 61 Mindanaoan lawmakers ang bumoto ng “yes” sa binuong Articles of Impeachment laban kay kay Sara.
Sa hanay naman ng Luzon lawmakers, nasa 125 mula sa 142 congressmen ang kumatig din sa impeachment.
Para kay Ruidon, malinaw na ang voting pattern ay bumasag sa paniniwala ng iba na ang pagpapa-impeach sa bise presidente ay mula lamang sa panig ng Luzon region o ang tinatawag ng “Imperial Manila.”
“So, I think that point needs to be made. And going into the Senate, dapat ‘yun din ‘yung talagang makita ng lahat ng mga political actors na talagang nagsalita po ‘yung Kongreso from all sides and shades and persuasions that there is a reason for impeaching the Vice President the second time under two different Congresses,” sambit pa ng ranking House official.
