SA hangaring palakasin ang school-based mental health program ng pamahalaan kasabay ng pagsusulong ng mas pinalawak na guidance at psychosocial support services para sa mga mag-aaral, isang panukalang batas ang inihain ni Senador Mark Villar.
Sa isang kalatas, partikular na tinukoy ni Villar ang Senate Bill 2133 (Students’ Guidance Counseling Act) na naglalayong tugunan ang tumataas na bilang ng mga estudyanteng dumaranas ng depression.
Base sa pag-aaral na inilathala ng Cambridge University Press, lubhang nakakabahala aniya ang pagtaas ng depressive symptoms sa mga kabataang edad 15 hanggang 24 anyos sa loob lang ng walong taon.
Tumambad rin aniya sa nasabing pag-aaral ang lumalaking “mental health challenges” na kinakaharap ng mga mag-aaral dulot ng tumitinding academic demands, socio-economic hardships, at iba pang external stressors na patuloy na nakakaapekto sa kanilang “emotional at psychological state.”
“Hindi dapat balewalain ang mental health ng ating mga kabataan. Marami sa ating mga estudyante ang nakakaranas ng matinding pressure sa paaralan at iba’t ibang personal na suliranin, ngunit madalas ay kulang ang suporta at gabay na kanilang natatanggap,” wika ni Villar.
“Nakakaapekto ito hindi lamang sa kanilang pag-aaral kundi pati sa kanilang pangkalahatang kalusugan at kinabukasan,” dugtong ng senador.
Pinuna rin ng mambabatas kakulangan ng guidance counselors sa bansa.
Bilang patunay, meron lang aniyang isang guidance counselor sa kada 14,000 mag-aaral sa bansa — malayo sa global standard na 1:250 student-counselor ratio.
Ayon din sa Department of Education, libo-libong posisyon para sa guidance counselors sa buong bansa ang nananatiling bakante, dahilan sa limitadong kakayahan ng mga paaralan na makapagbigay ng agarang intervention at sapat na psychosocial support sa mga estudyanteng nakakaranas ng emotional distress, anxiety, depression, bullying, at iba pang mental health-related concerns.
Bilang tugon, target ng panukala ibsan ang kakulangan sa bisa ng pagtatalaga ng mga kwalipikadong counselors at mga associate counselor o school social worker sa lahat ng pampublikong paaralan.
Kabilang din sa isinusulong ang pinagtibay na school mental health at wellness programs, mas matibay na referral systems, at maagap na intervention mechanisms para sa mga estudyanteng nangangailangan ng specialized care.
“Sa pamamagitan ng panukalang ito, nais nating tiyakin na may sapat na mga propesyonal na handang umalalay at gumabay sa ating mga estudyante. Mahalaga ang maagang pagtukoy at agarang pagtugon sa mga suliraning may kinalaman sa mental health upang mas mabigyan ng tamang suporta ang ating mga kabataan,” diin ni Villar.
“Napakahalaga na ang ating mga paaralan ay maging ligtas at maaasahan espasyo kung saan nararamdaman ng bawat estudyante ang gabay, malasakit, at suporta. Makakaasa kayo na patuloy nating pakikinggan at bibigyang-halaga ang mental health concerns ng ating kabataan.”
