PORMAL nang binasahan ng sakdal sa Sandiganbayan si Senador Jinggoy Estrada kaugnay ng tinaguriang flood control scandal.
Gayunpaman, tumanggi si Estrada magpasok ng “plea.”
“I will remain silent,” tugon ni senador sa arraignment — bagay na nagtulak sa Sandiganbayan Second Division na magpasok ng “not guilty plea” para sa akusado.
Wala rin si Estrada sa mismong bulwagan kung saan binasa ang sakdal, subalit kinonsidera pa rin ni Presiding Justice Geraldine Econg ang pagdalo ng akusadong mambabatas sa pamamagitan ng video conference.
Paglilinaw ng Second Division, una nang hiniling ni Estrada ang pahintulot para sa “remote appearance” bunsod ng iniindang osteoarthritis.
Ayon kay Atty. Noel Ostrea na tumatayong abogado ng senador, nahihirapan si Estrada maupo nang matagal dahil sa kondisyon ng kanyang tuhod.
“Namamaga siya, so pag nakaupo ka, parang naiipit yung tuhod mo dahil may tubig siya sa loob, kaya nahihirapan siyang matagal na nakaupo,” paliwanag ni Ostrea sa mga reporter.
Ibinahagi rin ng abogado ang plano ng kampo ni Estrada na maghain ng petisyon para sa hospital arrest.
