SA kabila ng paulit-ulit na paghahain ng diplomatic protest, patuloy na naglalayag sa loob ng 200-nautical mile Philippine Exclusive Economic Zone ang mga sasakyang dagat ng bansang China.
Sa datos ng Armed Forces of the Philippines (AFP), umabot sa 44 barko ng China ang namataan sa West Philippine Sea (WPS) mula Hunyo 23 hanggang Hunyo 29.
Kabilang sa mga namonitor ng sandatahang lakas ang mga barko ng China Coast Guard (CCG) at People’s Liberation Army Navy (PLAN).
Kabilang sa mga tinukoy na sasakyang dagat ng naturang bansa ang 18 CCG at siyam na PLAN vessels sa Bajo de Masinloc; walong CCG at isang PLAN sa Ayungin Shoal, dalawang CCG at dalawang PLAN sa Escoda Shoal, at isang CCG at tatlong PLAN sa Pag-asa Island.
Noong nakalipas na linggo, 17 Chinese vessels lang ang namataan sa loob ng karagatang pasok sa EEZ ng Pilipinas, bunsod ng masamang panahon.
