“SA paghahanap ng hustisya, hindi puwedeng mauna ang akusasyon bago ang ebidensya,” pasaring ni Atty. Elaine A. Atienza kaugnay umano’y walang humpay na intrigang ipinupukol kay dating House Speaker Martin Romualdez.
“Sa batas, ang ebidensya ang nagtuturo kung sino ang mananagot,” wika ni Atienza na tumatayong tagapagsalita ng mambabatas na muli aniyang idinadawit sa flood control scandal.
Sa pananaw ni Atienza, ginagawang “convenient excuse and political scapegoat” si Romualdez sa kabila ng kawalan ng anumang matibay na ebidensya na kailangan para tuluyang idawit sa sinasabing katiwalian.
Mismong si former DPWH Secretary Manuel Bonoan, na mayroong “firsthand knowledge” sa lahat ng transaksyon ng departamento ay hindi umano itinuro ang former speaker.
“Simple lang kung bakit — because Rep. Romualdez was not involved,” pahayag ni Atienza.
Muli niyang ipinunto na ang proseso sa pagbuo, pag-apruba at paggamit ng national budget ay hindi kontrolado ng isang tao, gaya ng Speaker of the House.
“The National Expenditure Program is prepared by the Executive branch through the Department of Budget and Management (DBM) and implementing agencies, including the DPWH, before it is submitted to Congress for deliberation by both the House of Representatives and the Senate,” paliwanag ni Atienza
“No Speaker can dictate upon Cabinet secretaries. Neither can he dictate upon senators, who exercise their own independent constitutional mandate. Sila po ay pantay-pantay diyan being elected officials. Primus inter pares,” dagdag niya.
“Hindi niya po saklaw ang pagpapa-release ng budget. Those are functions vested by law in the Executive Branch,” sabi rin ni Atienza.
Ani Atienza, ang pilit na pagtukoy kay Romualdez bilang mastermind ay pagbibigay ng paniniwala sa publiko na ang budget at infrastructure process ay nasa kamay lang ng iisang tao.
“Ang gustong palabasin ng iba, parang iisang tao ang may hawak ng buong gobyerno. Hindi po ganoon ang ating Konstitusyon,” saad niya.
Hirit pa ni Atienza, “kung may nagkasala, papanagutin natin. Pero huwag nating gawing shortcut ang paghahanap ng isang malaking pangalan para lang may maipakita sa publiko.”
Sa panig naman ni Atty. Ade Fajardo, isa rin sa tagapagsalita ni Romualdez, sinabi niyang nakababahala ang pahayag ng Ombudsman na gagamitin nito ang testimonya ni Bonoan laban sa Leyte lawmaker.
“Lubhang nakakabahala, it’s very alarming. Because even way before these events… ay hindi po nababangit si Cong. Martin Romualdez ni dating Sec. Manuel Bonoan,” ayon kay Fajardo
“Even sa submission niya sa ICI, wala pong banggit na papel na ginampanan si dating Speaker Martin Romualdez dito sa flood control issue. Then all of a sudden parang walang kaso, walang ebidensya, walang patunay sa kanyang supposed role dito sa flood control project, ay nandito nababanggit na ang kanyang pangalan,” dugtong niya.
“Nakakabahala na isang taon na ang nakalipas at ngayon lang niya babanggitin for the first time para lang sabihin at ma-discharge siya, mabigyan siya ng immunity, hindi na siya makukulong dahil sasabihin lang niya ang magic words na Martin Romualdez,” giit pa niya.
Inilarawan ni Fajardo si Bonoan bilang “most polluted,” “very biased” and “not the least guilty” source, kung kaya ikinabigla niya ang pagtanggap dito ng Ombudsman bilang isang state witness.
Naniniwala rin siya na ang pilit na pagkaladkad kay Romualdez sa flood control scandal ay para lamang mapanindigang may “big fish” ang dawit dahil ang huli ay kamag-anak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
“Puro speculation, hula-hula po, kasi napakadali… parang napaka-convenient na sisihin si dating Speaker Romualdez because precisely it’s common knowledge na kamag-anak niya ang nakaupong Pangulo ng Pilipinas ngayon,” ani Fajardo.
Samantala, sinegundahan naman ng naturang abugado ang naunang panawagan ni Senator Panfilo Lacson na dapat ibalik ni Bonoan sa national treasury ang P1 billion na kickbacks na tinanggap ng huli kay former DPWH undersecretary-turned-state witness Roberto Bernardo.
