Screengrab mula sa vlog ni MMDA Special Operations Group chief Gabriel Go.
PARA kay ACT Teachers partylist Rep. Antonio Tinio, hindi na dapat panatilihin sa pamahalaan ang mga opisyal lumalabis sa pagganap sa trabaho.
Sa isang kalatas, partikular na tinukoy ni Tinio pamamahiya ni Gabriel Go sa isang guro. Si Go ang tumatayong hepe ng Special Operations Group ng Metro Manila Development Authority (MMDA).
“It’s time to go Gabriel Go,” ani Tinio.
Panawagan ng kongresista kay MMDA chairman Romando Artes, tanggalin na tuluyang kay Go dahil sa hayagang paglabag sa karapatan ng mga motoristang inilalagay sa kahihiyan para magpasikat sa social media.
Una nang nagviral ang isang video na ipinaskil ni Go sa social media. Sa naturang vlog, hinuli ang isang guro na nagmamaneho ng motorsiklo na walang helmet.
Ayon kay Tinio, dapat lang hulihin ang guro sa paglabag sa batas trapiko, pero hindi aniya angkop na gamitin sa kanyang vlog ang insidenteng nagbunga ng matinding kahihiyan.
“Malinaw naman na walang helmet, ang isyu dito hindi na dapat above the sinuman. Ang isyu dito una ay ang basic na pagrespeto dapat ng lahat ng law enforcers sa mamamayan, whether teacher o ordinaryong mamamayan,” ni Tinio.
“Pag may paglabag, dapat yung law enforcer ay may respeto dapat sa mamamayan at yan ang hindi pinakita ni Mr. Go,” dagdag pa ng mambabatas.
Nilabag din umano ni Go ang right to privacy ng titser na nakiusap pang huwag na siyang kuhanan ng video, pero hindi pinansin ng MMDA official.
Nilabag din umano ni Go ang direktiba ni Artes na nagbabawal na gawing personal content at vlogging ang mga operasyon ng mga tauhan ng MMDA.
“Malinaw yun (kautusan) ngunit mula noon hanggang ngayon tuloy-tuloy na nilalabag nitong si Gabriela Go ang atas na ito ng MMDA. Ang sabi dun sa directive, kung magva-vlog ang MMDA tungkol sa kanyang mga operasyon maari lamang ito through the official social media accounts of MMDA,” ani Tinio.
“Malinaw po na vinavlog ni Gabriel Go ang mga operasyon ng MMDA na direktang nilalahukan niya sa kanyang personal account, so ginagawa niyang content para sa sarili niyang interest, para sa sarili niyang kasikatan at posibleng para sa monetization ang opisyal na trabaho niya sa MMDA in the process, nilalabag pa niya ang karapatan ng mamamayan na dapat na pinaglilingkuran niya.”
