HUSTISYA ang hiling ng mga naulila ng jeepney driver na umano’y pinatay ng isang pulis matapos tumanggi magbigay ng kotong.
Batay sa reklamong inihain ni Mar Balbuena na tumatayong pangulo ng Manibela transport group, sa National Police Commission (Napolcom), kinilala ang pulis na si Sarhento Edwin Figueroa na nakatalaga sa Internal Affairs Office (IAS) ng Philippine National Police (PNP).
Kwento ng biyuda ng biktimang si Michael Ferrer, buwan nang Hunyo nang maganap ang insidente sa lungsod ng Muntinlupa matapos tumanggi magbayad ng tong ang kanyang asawa kay Figueroa na una nang sinampahan ng kasong murder sa korte.
Layon ng administrative complaint na inihain sa Napolcom tiyakin hindi na makakabalik sa serbisyo ang mga abusadong pulis tulad ni Figueroa.
Samantala, tiniyak ni Napolcom Commissioner Ralph Calinisans na ipapataw ang pinakamabigat na parusa laban sa pulis sakaling mapatunayan ang mga paratang.
Inatasan din ni Calinisan ang Inspection, Monitoring, and Investigation Service (IMIS) ng Napolcom na tapusin ang imbestigasyon sa loob ng 60 araw.
“Anyone found collecting protection money from jeepney drivers will be removed from the service once we identify them, just as we are working to eliminate all corrupt police officers,” babala ng Napolcom chief.
Hinikayat din ng commissioner ang mga manggagawa sa transportasyon at iba pang biktima ng pangongotong ng pulisya na iulat ang mga abusadong opisyal sa Napolcom, National Capital Region Police Office (NCRPO), o sa pinakamalapit na istasyon ng pulisya.
