Bilang principal sponsor at author ng AFASA, ikinatuwa ni Senador Mark Villar ang tagumpay ng Anti-Financial Account Scamming Act (AFASA) matapos maitala ang mga pag-aresto at hatol laban sa mga online scammers at money mules. Binigyang-diin niya na may "pangil" na ang batas upang mas mabilis na mausig ang mga cybercriminal at masiguro ang proteksyon ng bawat Pilipino sa kanilang online transactions. (CESAR MORALES)
PARA kay Senador Mark Villar, hindi katanggap-tanggap ang kultura ng karahasan sa isang sibilisadong lipunan.
Sa isang kalatas, partikular na tinukoy ni Villar ang tumataas na bilang insidente ng karahasan sa hanay ng mga TNVS riders, at iba pang pampublikong transportasyon.
Bilang tugon, agad na inihain ng mambabatas ang Senate Resolution 527 na naglalayong magsagawa ng “congressional investigation in aid of legislation upang palakasin ang mga hakbang sa seguridad ng mga ride-hailing drivers — gayundin para sa mga pasahero.
Tampok rin sa naturang resolusyon ang mas pinaigting na koordinasyon sa hanay ng mga law enforcement agencies para bumalangkas ng repormang garantiya sa ligtas na public transportation.
Para kay Villar, lubhang nakakabahala ang magkakasunod at karumal-dumal na krimen nitong mga nakaraang linggo, kabilang ang pagpatay sa isang TNVS rider sa Cavite matapos holdapin at ang pananaksak ng isa pang rider sa Caloocan.
Ang mga nabanggit na insidente ay indikasyon aniya ng kakulangan ng hakbang sa seguridad at ang agarang pangangailangan para sa mga repormang magbibigay ng mas matibay na proteksyon sa mga naghahanap buhay sa pamamagitan ng ride-hailing platforms.
“Hindi natin maaaring hayaang maging normal o dumami pa ang mga karumal-dumal na insidente laban sa ating mga TNVS riders. Kailangan nating magpatupad ng mas matitibay na hakbang na magpoprotekta sa parehong driver at pasahero, lalo na sa panahong lalong nagiging mapangahas ang mga kriminal,” ani Villar.
Kabilang sa mga posible aniyang pag-aralan ang pagpapatibay ng passenger identity verification, pagpapahusay ng real-time trip monitoring, pagpapalakas ng mga in-app emergency features, mas maayos na koordinasyon sa pagitan ng mga ride-hailing company at law enforcement agencies, at pagtatakda ng mas malinaw na pamantayan upang matiyak ang kaligtasan at seguridad ng mga TNVS rider at ng riding public.
“Dahil sa likas na panganib ng kanilang trabaho—kung saan araw-araw silang nagsasakay ng mga estranghero at maaaring mabiktima ng mga kriminal na nagpapanggap na lehitimong pasahero, lalo na sa gabi at sa mga liblib na lugar—nararapat lamang na mabigyan sila ng mas matibay na proteksyon at mas mahigpit na mga hakbang sa seguridad,” dagdag ni Villar.
Panawagan ng senador sa mga awtoridad, tugisin at panagutin ang mga responsable alinsunod sa umiiral na batas.
“Ang mensahe ay dapat malinaw: walang puwang ang karahasan laban sa mga naghahanapbuhay. Hindi tayo titigil hangga’t hindi napapanagot ang mga responsable. Kasabay nito, isusulong natin ang mga repormang magbibigay ng tunay at pangmatagalang proteksyon sa ating mga TNVS rider at sa riding public.”
