ANG bawat araw at oras na nasasayang sa hanay ng mga tinaguriang “professionals,” kabawasan sa ekonomiya — gayundin ang pagkaantala sa kaunlaran ng bansa. Sa isang kalatas, ibinahagi ni Senador Mark Villar ang inihaing panukalang batas na naglalayong palawigin sa limang taon ang bisa ng Professional Identification Cards (PICs) na inilalabas kada tatlong taon ng Professional Regulation Commission (PRC). Sa ilalim ng akdang Senate Bill 2391 (PRC ID 5-year Validity Act), pakay ni Villar mabawasan ang oras, gastos, at abalang nararanasan ng mga Pilipinong propesyonal na obligadong mag-renew ng PRC ID Batay sa pinakahuling datos, may 5,887,714 rehistradong professionals sa 65 propesyong sakop ng PRC, ang kailangan magtungo sa pinakamalapit na PRC office para pumila at magbayad para sa renewal. Kadalasan, kailangan pang bumalik ang mga “registered professionals” para lang kunin ang bagong ID. Sa kasalukuyan, may isang central office, 14 regional branches, 21 satellite service centers, at apat na tanggapan ang komisyon sa One-Stop Service Centers for Overseas Filipino Workers. “Matagal nang namumuhunan ang ating mga propesyonal sa kanilang pag-aaral, pagsasanay, at patuloy na pag-unlad upang makapaglingkod sa bayan. Hindi na dapat dagdagan ang mga pasanin na dulot ng madalas at magastos na renewal,” ani Villar. “Ang pagpapalawig ng bisa ng PRC ID sa limang taon ay isang praktikal na reporma na makakatipid sa oras at gastos ng ating mga propesyonal, makakabawas sa siksikan sa mga tanggapan ng PRC, at magbibigay-daan para higit na mapagtuunan ang trabaho, pamilya, at paglilingkod kapwa,” dagdag niya. Sa ilalim ng SB 2391, magiging limang taon ang bisa ng lahat ng PRC-issued PICs, alinsunod pa rin sa umiiral na mga legal at procedural requirements. Inaatasan din ng panukala ang Information and Communication Technology Service ng PRC at iba pang kaukulang tanggapan na magsagawa ng mga kinakailangang system enhancements, kabilang ang pagpapahusay sa Licensure Examination Registration Information System at iba pang administrative processes. Tinutulak din ng panukala ang pagsasapinal ng revised assessment ng annual registration fees sa loob ng anim na buwan mula sa pag-iral ng batas. Umaasa si Villar na agad na pagtitibayin ng Senado ang panukala upang magkaroon ng mas mabilis, episyente, at mas madaling PRC renewal system para sa mga propesyonal sa buong bansa, kasabay ng patuloy na pagsisikap ng pamahalaan na bawasan ang red tape at pagandahin ang paghahatid ng serbisyo publiko. “Ang bawat oras na matitipid natin sa paulit ulit na renewal at bawat pisong matitipid sa paulit-ulit na transaksyon ay mailalaan na sa mas produktibong trabaho at professional development. Sa pamamagitan nito, ginagawa nating mas maginhawa ang serbisyo ng gobyerno para sa mga taong patuloy na nagpapaunlad at nagpapatakbo sa ating bansa,” ani Villar. Facebook Twitter/X LinkedIn Post navigation Ombudsman: Walang maaasahan sa DPWH