IGINIIT ng House prosecution team na dapat maging patas at maging ang nasasakdal na si Vice President Sara Duterte ay saklaw nang ideklara ng Senate Impeachment Court ang mahigpit na pagpapatupad nito ng sub judice rule. “Ang tanong natin: Ito bang Rule 18 na ito must equally be applied to all the parties, including the respondent?,” wika ni House impeachment adviser at spokesperson Ace Barbers. “So that is what we want to hear from the impeachment court,” dagdag niya. Malaking pagsubok naman, ani Deputy Speaker at Zambales Rep. Jefferson Khonghun, sa impeachment court ang inilatag na panuntunan lalo’t hindi naisama sa binigyan ng babala ang banat ni Duterte sa mismong impeachment proceedings. “Magiging litmus test ’yon kung talagang paano ipinatutupad ng ating impeachment court ’yung kanilang kautusan. Ang hinahanap lang naman ng prosecution team is fairness,” sambit pa ng ranking House official. “Pag sinisita ’yung prosecution sa kanilang mga sinasabi, kailangan maging fair din na kailangang sitahin din ’yung mga sinasabi ng depensa. At syempre, kailangan sitahin din kung ano ’yung sinasabi ng nasasakdal, no? Dito in the case is Vice President,” dugtong niya. Ipinunto ito ng prosekusyon matapos na maglabas ng pahayag si Duterte kung saan hinahamon sila ng huli na maglabas na lamang ng matibay na ebidensya sa halip na manlait at gumawa ng political theatrics. Nauna rito, mayroon din “bending of law statement” ang nasasakdal, bukod pa sa patutsadang pagsasayang lang ng oras at salapi ang impeachment proceedings. Ang mga naturang banat, ani Barbers ay malinaw na paglabag sa Rule 18. “Sa aming palagay, meron violation. Kasi nga, kine-question ’yung integrity ng proceedings, eh. And this goes beyond the merits. If you’re questioning the integrity of the court and its proceedings, eh merong malaking katanungan tungkol diyan,” giit ng former Surigao del Norte lawmaker. Samantala, tiniyak naman nila Barbers at Khonghun na masugid na tatalima ang prosekusyon sa deklarasyon ng Senate impeachment court na mahigpit na pagpapatupad sa sub judice rule. Facebook Twitter/X LinkedIn Post navigation Confidential funds ng OVP ipinagkatiwala sa ‘outsider’ Halaga ng piso sumadsad sa P62.25 kada dolyar