PINUNA ng House prosecution panel ang pagbaha ng fake news sa iba’t-ibang social media platforms sa tuwing may pasabog sa testimonya ng mga saksi sa paglilitis ng Senate impeachment court kay Vice President Sara Duterte. “There appears to be a pattern of fake news being propagated whenever a major revelation crops up during the trial,” pahayag ni House impeachment adviser at spokesperson, former Surigao del Norte Rep. Ace Barbers. “Minomonitor din namin yon kasi nga iniiwasan natin yung pagkalat ng fake news. At dahil dito sa monitoring na ‘to, nakikita namin kung ano yung naratibo,” dugtong ng dating kongresista. Paalala ni Barbers sa publiko, maging alerto sa pagtatangka ng ilan na ilihis ang atensyon ng taumbayan sa mga kaganapan impeachment trial kay Duterte. Ayon kay Barbers, sa pagsalang kay state auditor Roderick Wamil, kung saan nalantad ang mga sabit ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (sa panahon ng panunungkulan ni Duterte bilang Kalihim) sa paggasta ng nasa kabuuang P612.5 million confidential funds ng dalawang ahensya. “Ito nga napapansin namin kapagka halimbawa meron tayong ipinresentang witness at matibay at maganda, malinaw ang kanyang pagpapaliwanag sa ebidensya may ibang naratibo na nanggagaling sa hindi namin alam kung saan,” paglalahad ni Barbers. “Halimbawa binabalik yung isyu sa flood control. Kesyo daw yung flood control ang dapat tutukan, hindi daw ito. So, there are attempts really para mailihis sa isipan ng ating mga mamamayan kung ano yung katotohanan sa likod nitong impeachment process na ito,” dagdag pa niya. Para hindi aniya malito ang mga mamamayan, palagian tumutok sa paglilitis, at huwag basta maniwala sa nababasa o napapanood sa social media. “Dapat maging interesado ang mga mamamayan dito… itong prosesong ito ay inilagay sa ating Saligang Batas para proteksyunan ang ating mga mamamayan, ordinaryong mamamayan,” aniya pa. “Manggagawa ka man, ikaw ay isang government employee, ikaw ay isang teacher, ikaw ah negosyanteng maliit, negosyanteng malaki, lahat po ito ay para sa atin. This is about accountability, public trust, and due process. Kaya ito ang malinaw diyan.” Facebook Twitter/X LinkedIn Post navigation Overtime hirit ni Barbers sa paglilitis kay Sara Duterte Tax relief bill, ginhawa sa mga obrero — Villar