BINATIKOS ng batikong peryodista ang umano’y paglalabas-masok ni dating House Speaker Martin Romualdez sa Quezon City Jail.

Sa Facebook post ni Ramon Tulfo, ibinahagi ang umano’y palihim na paglabas gabi-gabi ng nakakulong na dating lider ng Kamara sa kasong plunder na may kaugnayan sa tinaguriang flood control scandal.

Ayon aniya sa kanyang impormante, palihim na nakakalabas sa New Quezon City Jail sa Barangay Payatas si Romualdez sakay ng isang ambulansya.  

“Nakakalabas ng kulungan si dating speaker Martin Romualdez, ayon sa aking tweety bird… sumasakay siya ng ambulancia para hindi halata,” saad sa isang bahagi ng Facebook post ni Tulfo.

Gayunpaman, hindi sinabi ng batikang peryodista kung kailan at ilang beses lumabas at kung saan nagpunta si Romualdez.

Gayunpaman, nagpasaring si Tulfo. Aniya — “Ikaw na ang maging first cousin ng Pangulo, siempre naiiba ka sa lahat!”

Samantala, tinawag ng Palasyo na “fake news” ang pasabog ni Tulfo.

Itinanggi na rin ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang alegasyon ng batikang kolumnista hinggil sa paglabas-masok ni Romualdez sa kulungan.

Hamon ng BJMP kay Tulfo, maglabas ng ebidensya, kasabay ng paanyaya sa beteranong mamamahayag na suriin ang CCTV footage sa loob ng pasilidad.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *