KASABAY ng pagsipa ng 29th Graphic Expo, pormal nang binuksan ng Press Photographers of the Philippines (PPP) ang pagtatanghal ng mga larawang kuha ng mga tinaguriang “maniniyot.”
Sa temang “Buhay-Siklista,” target ng PPP ilantad ang realidad sa mga komunidad na ginalugad ng mga siklista sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Pinangunahan ni PPP President Edwin Bacasmas ang ribbon-cutting ceremony, kasama sina Secretary Vivian Marasigan, at Director Joey Mendoza, katuwang sina Fiera de Manila President Norelyn Babiera at beteranong sports photographer na si Ernie Sarmiento.
Kabilang sa matutunghayan sa mga larawan ang masigla at mapanghamon na realidad ng lokal na komunidad ng mga nagbibisikleta. Tampok din ang natatanging koleksyon sa anyo ng “visual storytelling” ng mga nangungunang photojournalist sa bansa.
Ang naturang photo exhibit na bukas sa publiko hanggang Hulyo 18 ay inorganisa bilang pangunahing tampok ng prestihiyosong trade show.
