BUONG pagmamalaking ibinida ni House Senior Deputy Speaker Ferdinand Hernandez ang pagpapatibay ng 36 na resolusyon sa pagtatapos ng 47th General Assembly ng ASEAN Inter-Parliamentary Assembly (AIPA) na ginanap sa Maynila.

Sa isang kalatas, partikular na tinukoy ni Hernandez ang mga resolusyong tugon sa seguridad sa rehiyon, pagkain at enerhiya, gayundin ang usapin ng artificial intelligence (AI), climate change, kalusugan, migranteng manggagawa, at proteksyon ng mga kabataan at karapatan ng mga kababaihan.

Pagbibigay-diin ni Hernandez na tumayong punong-abala ng Philippine delegation sa AIPA, sinasalamin ng mga nasabing resolusyon ang sama-samang paninindigan ng mga mambabatas sa Timog-Silangang Asya na harapin ang mga hamong nakakaapekto sa humigit-kumulang 700 milyong mamamayan sa rehiyon.

“As we conclude the 47th AIPA General Assembly, I am proud to announce that our parliamentary leaders and delegates have united with a singular focus: translating ASEAN’s regional goals into life-changing policies for our 700 million people,” wika ni Hernandez sa press conference matapos ang closing ceremony ng nasabing pagtitipon sa Shangri-la Hotel Makati nitong Biyernes.

“Through intensive collaboration across all our committees, political, economic, and social, alongside the Women Parliamentarians of AIPA and the Young Parliamentarians of AIPA, we have successfully adopted 36 resolutions vital in addressing the defining challenges of our time,” dugtong ng House official.

Ani Hernandez, muling pinagtibay ng Committee on Political Matters ang mga prinsipyo ng mapayapang diyalogo at kooperasyon na nakapaloob sa Treaty of Amity and Cooperation in Southeast Asia.

Nanawagan din ang komite para sa mas pinaigting na kooperasyon sa pagitan ng mga parlamento ng ASEAN sa pag-iwas at pamamahala sa mga banta sa seguridad na lampas sa hangganan ng bawat bansa.

Iniulat naman ng ranking House official na sa usaping pang-ekonomiya, sinuportahan ng AIPA General Assembly ang mga hakbang upang palakasin ang food security at energy sa rehiyon, kasama na ang pagsusulong ng sustainable development, at responsible innovation sa artificial intelligence sa pamamagitan ng ASEAN AI Safety Network, o ASEAN AI SAFE.

Iminungkahi rin ang pagtatatag ng AIPA Advisory Council on Climate Change para sa pagbuo ng terms of reference sa research para makabuo ng kaparaanan sa kooperasyon ng mga parliyamento hinggil sa pagtugon sa hamon ng pagbabago ng klima.

Dagdag ni Hernandez, pinagtibay ng Committee on Social Matters ang mga resolusyong nagsusulong ng universal health coverage, mas matibay na proteksyon sa migrant workers at pagbibigay ng mas maraming oportunidad sa sa mga nakatatanda.

Suportado rin ng komite ang mga hakbang upang matiyak ang pagpapatuloy ng edukasyon ng mga bata sa panahon ng sakuna, isulong ang ugnayan ng mga mamamayan (people-to-people exchanges) sa buong ASEAN, at labanan ang disimpormasyon.

Samantala, isinulong naman ng Women Parliamentarians of AIPA at Young Parliamentarians of AIPA ang mga inisyatibang nakatuon sa mga oportunidad pang-ekonomiya para sa kababaihan, inklusibong pamumuno, responsableng pamamahala sa AI, at kaligtasan online para sa mga kabataan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *