NAKATAKDANG simulan ng Commission on Appointments (CA) ang tinaguriang ad interim appointment ng 12 miyembro ng gabinete ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Sa isang kalatas, tiniyak ni Senate President at CA chairman Sherwin Gatchalian ang pagbusisi sa kredibilidad at kakayahan ng mga itinalaga ni Marcos sa posisyon, sa kabila ng limitadong oras lalo pa’t hanggang Disyembre 17 na lang ang sesyon.

“Very challenging dahil hindi lang ‘yung pagko-confirm kung hindi ‘yung pag-iimbestiga at pagkuha rin ng mga information tungkol dito sa mga confirmation,” wika ni Gatchalian sa isang panayam sa radyo.

“Kung nasundan natin ‘yung mga huling confirmation, talagang binubusisi ‘yung background. ‘Yung SALN, tinitignan rin. Tinitignan nga pati citizenship. Maraming mga kino-confirm ay nagkaroon ng problema sa citizenship. Tinitignan rin ‘yung mga tawag natin derogatory instances, meaning ‘yung mga nasabing hindi maganda, ginagawang hindi maganda, at of course corruption, tinitignan rin,” dugtong ni Gatchalian.

Kabilang sa mga itatalupan ng CA sina Executive Secretary Ralph Recto, Transportation Secretary Vince Dizon, Public Works Secretary Giovanni Lopez, Justice Secretary Fredderick Vida at Finance Secretary Frederick Go.

Pasok din sa adyenda ng CA ang kumpirmasyon nina Health Secretary Edwin Mercado, Environment Secretary Miguel Cuna, Budget Secretary Kim Robert de Leon, Labor Secretary Francis Tolentino, PCCO Secretary Lino Cayetano, Tourism Secretary Maria Bernardita Mathay at DICT Secretary Robert de Claro.

Kailangan din aniyang ihabol ang promosyon ng mga AFP officers.

“‘Yung mga military, dahil ‘yung mga military, kailangan ma-confirm natin before their birthday. Meron tayong batas kasi ‘pag lumampas ng birthday nila, bawal na sila i-confirm.”

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *