POSIBLENG maharap sa kasong tax fraud ang mga personalidad na nasa likod ng kumpanyang Cale88 na sinasabing pagmamay-ari ng abogadong asawa ni Vice President Sara Duterte. Sa isang pahayag, partikular na tinukoy ni House prosecution spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong ang ang posibilidad na isama bilang undeclared income at paglabag sa batas hinggil sa pagbabayad ng tamang buwis, ang nalantad na foreign remittances na pumasok sa Cale88 Foods Corp. Para kay Alonto Adiong, kaduda-duda ang idineklarang P208-milyong kita ng Cale88, gayung sa rekord ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) ay aabot sa P776 million ang “inward remittances” sa nasabing kumpanya. “Now you deduct the P208 [million] as what they have filed to the BIR with that of the actual remittances that Cale88 received. You will end up having P500-plus million,” wika ni Alonto Adiong sa ginanap na Saturday News Forum sa Dapo Restaurant, Quezon City. Sa nakaraang impeachment trial, nagisa si defense witness, Board of Investments (BOI) Managing Head and Trade Undersecretary Ceferino Rodolfo, hinggil sa financial transactions ng nasabing kumpanya, kung saan mayroong 47.5% shares si Atty. Manases Carpio, esposo ng nasasakdal na pangalawang pangulo. Batay aniya sa National Internal Revenue Code, kaukulang pagdedeklara ng taxable sales o income na lampas sa 30% ay may maituturing na prima facie evidence para sa pagsasampa ng kasong tax fraud. Mungkahi ng kongresista, mas malalim na imbestigasyon sa higit na P500 million na diperensya sa sinasabing sales ng Cale88 at foreign remittances. Pinuna rin ni Alonto Adiong, ang kabiguan ng depensa bigyang-linaw ang P318-million foreign remittances ng China at Hong Kong sa kumpanyang pag-aari umano ni Carpio. “Wala silang naipakita o anumang magsasabi o magbibigay-liwanag doon sa allegation ng prosecution, especially doon sa mga pumasok na inward remittances na na-flag (ng AMLC),” pahayag ni Alonto Adiong. “These amounts have been flagged dahil sa nature of the transaction, dahil wala nga siyang justification, walang documents, at suspicious na transaction ang pumasok po dito sa mga corporate accounts nitong mga kumpanya na ito,” dugtong ng mambabatas, Sa Day 45 ng impeachment trial, pinatawag ng depensa sa witness stand sina Trade Undersecretary Ceferino Rodolfo, na nagbigay ng testimonya hinggil sa registration ng Cale88 sa Board of Investments (BOI); at Food and Drug Administration (FDA) Director Pilar Marilyn Pagayunan, para naman sa sweetened banana chips product registration ng naturang kumpanya. Punto ni Alonto Adiong, malayo ang naging salaysay ng nasabing defense witnesses dahil ang tinalakay lamang ay ang government permits at product registration ng Cale88, pero bigong maipaliwanag ang financial transactions ng huli. “Hindi po nila iyon naipaliwanag at malayo po ’yung naging testimonya nung naging witness nila. Again, hindi po iyon ang pinakapunto under Article II of unexplained wealth.” Facebook Twitter/X LinkedIn Post navigation DPWH projects na kulang sa dokumento, tablado sa pondo Kawalang respeto ng kampo ni Sara sa korte, tinuligsa