SA botong 234 ang pabor, pinal na inaprubahan sa plenaryo ng Kamara ang House Bill 11616, na naglalayong amyendahan ang Intellectual Property Code, para sa mas malawak na kapangyarihan ng Intellectual Property Office of the Philippines (IPOPHL). Sa tagubilin ni House Speaker Faustino Dy III, binigyan ng agarang aksyon ni House Majority Leader Sandro Marcos ang pagtalakay at pagpasa sa naturang panukala. Partikular na itinutulak ng HB 11616 bantayan ng husto ang mga piracy website at nagbebenta ng pekeng produkto upang protektahan ang mga orihinal na may gawa at lehitimong negosyo. Para sa mga Pilipinong manunulat, musikero, gumagawa ng pelikula, at may-ari ng negosyo, magbibigay ang panukala ng mas malinaw na paraan upang labanan ang hindi awtorisadong pangongopya at ang pagbebenta ng mga produktong maling ginagamit ang kanilang mga tatak. Maaaring hilingin ng mga may-ari ng copyright at rights holder sa IPOPHL na harangan ang access sa mga website o iba pang online location na ang pangunahing layunin o epekto ay lumabag sa copyright o mapadali ang paglabag dito. Kailangang sumunod ang mga internet service provider sa disabling order sa loob ng 48 oras mula nang mailabas ito sa pamamagitan ng paggamit ng mabisang teknikal na hakbang upang mapigilan ang access sa natukoy na lokasyon. Saklaw din nito ang umiiral na kautusan sa iba pang online location na kaugnay ng lumalabag na operasyon sa pamamagitan ng pangalan, branding, o operator nito, upang tugunan ang mga pagtatangkang umiwas sa blocking sa pamamagitan ng paglipat sa ibang address. Habang ang pagba-block ay mangangailangan ng kaukulang abiso at pagdinig (due notice and hearing), habang ang pag-abiso ng reklamo sa operator ng site ay maaaring hindi na ipatupad sa ilalim lamang ng mga itinakdang kondisyon kung saan nabigo ang makatwirang pagsisikap na matukoy, mahanap, o maabisuhan ang nasabing operator. Itataas ng panukalang batas ang mga administratibong multa mula sa kasalukuyang P5,000 hanggang P150,000 tungo sa P100,000 hanggang P1 milyon, na may karagdagang multa na hindi bababa sa P10,000 sa bawat araw ng patuloy na paglabag. Magkakaroon ang IPOPHL ng malinaw na kapangyarihan na mangalap ng impormasyon (intelligence), mag-imbestiga sa mga hinihinalang paglabag, bumisita sa mga establisimyento sa mga makatwirang oras, at magrekomenda sa mga kinauukulang awtoridad na kanselahin ang mga business permit o lisensya. Facebook Twitter/X LinkedIn Post navigation Kampanya vs. malnutrisyon, swak sa bagong kongreso Pagkalas ni Mans Carpio sa Cale88, kunwari lang?