
NI ESTONG REYES
HINDI makatwiran umangkat ng modern jeep sa mataas na halaga mula sa bansang kilala sa pagbebenta ng mga produktong mababa ang kalidad.
Ito marahil ang nasa isip ni Senador Raffy Tulfo kaugnay ng pag-angkat ng China-made modern jeepney na ipapalit sa mga lumang pampasaherong dyip bilang bahagi ng Public Utility Vehicle (PUV) Modernization Program ng pamahalaan.
Kumbinsido rinn si Tulfo na may katiwalian sa likod ng programang PUV modernization, lalo pa aniya’t meron naman kakayahan ang isang local manufacturer na gumawa ng de kalidad na modern jeep sa mas mababang halaga.
Para kay Tulfo, mas makatwiran ibigay sa mga local manufacturers ang kontrata sa pagsu-supply ng mga modern jeeps na nagkakahalaga ng wala pang isang milyong piso – malayo sa P2.6 hanggang P2.9 milyong presyo ng mga China-made modern jeepneys na inirerekomenda ng Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation, Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Aniya, mas magiging magaan sa pamahalaan ang pagbibigay ng subsidiya sa P1.7 milyong matitipid (sa kada unit) ng pamahalaan sa alok ng Sarao at Francisco Motors.
Dagdag pa ng senador, makakalikhha din ng mas maraming trabaho kung local manufacturer ang kukunan ng mga modern jeeps batay sa estilo, porma at disenyong nagpatingkad sa Pilipinas sa iba’t ibang bahagi ng mundo.
Mahalagang isaalang-alang din aniya sa modernization program ang kapakanan ng mga Pilipino, partikular ang mga pobreng tsuper.