UMARANGKADA na ang paghahanda ng Commission on Elections (Comelec) para sa 2025 midterm elections, ayon mismo kay Comelec chairman George Garcia.
Kalakip ng malawakang information campaign na naglalayong turuan ang publiko sa proseso ng voters’ registration, nagpahayag ng kumpiyansa si Garcia na maabot ng poll body 3 milyong target hanggang sa buwan ng Setyembre.
“Ang gusto natin, ang projection natin na registered voters ay mga 3 million na madagdag sa 68 million na voters sa kasalukuyan,” ani Garcia.
Samantala, nakatakdang maglabas ang Comelec ng amended voters’ registration guidelines – kabilang ang pagbabawal sa paggamit ng company-issued identification (ID) cards para sa mga nagnanais lumahok sa 2025 election.
“Bawal na po ang company IDs. Hindi na po natin papayagan ang company ID, dapat po government-issued lamang ang pwede magparehistro,” aniya pa.
“Ang dami nakita na umabuso. Alam niyo naman, pwede mag-mass produce ng napakaraming company ID… Di na papayagan ‘yung ganiyan,” dagdag pa ni Garcia.
Palalawakin din aniya ng Comelec ang implementasyon ng “Register Anywhere Project”, na magbibigay ng pagkakataon sa kwalipikadong botante na magparehistro sa mga booth sa ilang establisyimento katulad ng mga mall para sa 2025 midterm election.
“Ipapatupad na po sa buong bansa sa lahat ng highly-urbanized cities at municipalities or cities na capital ng isang probinsya, ipapatupad na po natin.
Nanawagan din ang opisyal sa overseas Filipinos na magparehistro na, sabay-sabing magpapatupad ng internet voting ang Comelec sa paparating na eleksyon.
“Sa mga overseas Filipinos, ongoing po ang registration of voters sa inyo. ‘Yan po ay tatagal hanggang December 2029 na ito. Kaya sana po magparehistro sapagkat magkakaroon na po tayo ng internet voting,” pagtatapos ng Comelec chief.
