
TALIWAS sa unang posisyon ng pamahalaan, hindi na haharangin ng Department of Justice (DOJ) ang International Criminal Court (ICC) sa pagpasok sa bansa para mangalap ng ebidensya at testimonya laban kay dating Pangulo Rodrigo Duterte kaugnay ng madugong giyera kontra droga sa ilalim ng nagdaang administrasyon.
Para kay Justice Sec. Jesus Crispin Remulla, ang tanging gagawin ng DOJ ay tiyakin naaayon sa legal na proseso ang mga pagkilos ng ICC habang nasa Pilipinas.
“We’re not here to stop them because if they’re not doing anything illegal, there’s nothing wrong with that,” ani Remulla.
“If they’re getting statements, they’re getting evidence. It’s okay,” dagdag pa ng DOJ chief.
“But we have to clarify many issues, especially about procedure,” aniya pa.
Matatandaan na umatras ang Pilipinas, sa ilalim ng administrasyong Duterte, sa pagiging miyembro ng ICC matapos nitong pakinggan ang reklamong crimes against humanity kaugnay ng libu-libong nasawi sa giyera kontra droga ng nakaraang administrasyon.