PALAISIPAN sa hanay ng administrasyon ang pasabog na inihayag ni Vice President Sara Duterte hinggil sa aniya’y nakatakdang paglahok sa 2025 midterm elections kahit pa sa 2028 pa matatapos ang kanyang termino bilang Pangalawang Pangulo.
Sa kanyang talumpati, walang pakundangan inihayag ni Duterte ang planong pagtakbo sa darating na 2025 midterm election — “Narinig ko na ang aking kapatid na sina Mayor Baste at Congressman Pulong, na nagsabi na hindi na tatakbo sa susunod na eleksyon. Kaya narito ako ngayon para mangampanya sa inyo dahil tatakbo ako sa susunod na eleksyon.”
Si Baste [Sebastian Duterte] ang kasalukuyang alkalde ng Davao City, habang Davao City 1st District Representative naman si Polong [Paolo Duterte].
Gayunpaman, hindi sinabi si Duterte ang target na posisyon. Sa naturang halalan, nakatakdang maghalal ang mga botante ng mga kandidatong senador, kongresista at mga lokal na opisyal.
Sa 2028 pa matatapos ang termino ni Duterte bilang pangalawang pangulo. Kasabay nito ang halalan para sa botohan parra sa bagong pangulo at pangalawang pangulo.
Sa nasabing pagtitipon, binulalas din ng pangalawang pangulo ang pagkadismaya sa umano’y paggamit ng ‘ayuda’ kapalit ng pirma para sa people’s initiative na paraan sa pag-amyenda sa Saligang Batas.
“It is an insult to the ordinary and poor Filipinos. It reflects the character of politicians, of vote-buying during elections, so nakakasama ng loob na ginaganoon yung mga tao na kailangan pa suhulan para papirmahin sa people’s initiative,” pagtatapos ni Duterte.
