Ni Lily Reyes
BINALAAN kahapon ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Atty. Benjamin Abalos ang publiko lalo na sa mga may balak bumili ng sasakyan na suriin mabuti kung ang mga plate number na nakatalaga sa kanilang mga sasakyan ay tunay.
Nagbigay ng babala si Abalos matapos maaresto ang tatlong suspek dahil sa umano’y pagnanakaw ng mga plaka ng sasakyan sa loob mismo ng plate making plant ng Land Transportation Office (LTO) sa Quezon City.
Nitong Biyernes ng umaga, iniharap nina Abalos at LTO chief Assistant Secretary Vigor Mendoza II sa media ang mga suspek na sina Jenad Arida, Arjay Anasco, kapwa embossers, at warehouse staff na si Valeriano Nerizon, pawang nakatalaga sa Plate Making Plant sa LTO.
Naaaresto ang mga suspek sa joint operation na isinagawa nitong Huwebes ng hapon ng mga operatiba ng LTO at Special Project Group ng DILG – Internal Security Office.
Sa press briefing, ipinakita nina Abalos at Mendoza ang limang plaka ng sasakyan na ninakaw umano ng tatlong naarestong suspek.
Ayon sa LTO Investigation Division, nag-ugat ang operasyon matapos na makatanggap sila ng impormasyon sa mga kahina-hinalang aktibidad sa loob ng planta ng mga suspek. Nang suriin ng mga awtoridad ang closed circuit television camera (CCTV), nakita nila ang tatlong suspek sa aktong nagnanakaw ng mga plaka ng sasakyan sa planta.
“Huwag po tayong umasa sa plaka lang, itawag agad natin sa LTO kung nagre-reflect ba ito sa tamang rehistro,” payo ni Abalos.
Sinabi ni Abalos na nakikipag-ugnayan na siya kay Mendoza para paigtingin ang bebripikasyon ng mga plaka ng sasakyan lalo na ang mga nahuli ng Philippine National Police – Highway Patrol Group (PNP-HPG).
Kasalukuyang nakakulong ang tatlong at nahaharap sa kasong paglabag sa Article 310 (qualified theft) at Article 294 (Robbery) ng Revised Penal Code.
