ARESTADO ang tatlong empleyado ng Land Transportation Office (LTO) sa umano’y pag-smuggle ng hindi rehistradong plaka mula sa kanilang Central Office.
Sinabi ni LTO intelligence and investigation division head Renante Militante na nasa pulong sila nang mabatid ang impormasyong.
“Nandito naman po kahapon ang operating team ng special project ni DILG (Department of the Interior and Local Government) so nagkasa po agad ng operasyon,” sabi nito.
Pinaghahanap naman ang isang empleyadong sinasabing lider ng grupo. Ang apat na suspect ay nagtatrabaho sa LTO sa ilalim ng job order, ayon kay Militante.
Nabatid pa na ang lider ng grupo ay natatrabaho na sa LTO mula 2018 habang ang ilan ay mula 2019 at 2020.
Sinabi ni Militante na iniimbestigahan na ng LTO ang smuggling na hindi lisensiyadong plaka ngunit ngayong Enero lang ay may lumutang na witness na nagbunyag ng sindikato sa loob ng LTO.
Nakakuha na rin ng CCTV footage ang LTO na magdidiin sa mga suspect.
“Ito naman pong leader nila, nakita po sa CCTV kung paano nilalabas ng planta na tinatago at isinusuksok sa likod and then nilalagay po sa box ng motor. Tapos kapag off duty na, dala-dala niya na,” pagbubunyag nito.
Inihahanda na ang mga kasong kakaharapin ng mga inarestong suspect.
Binibebenta rin umano ang mga plaka ng mula P5,000 sa P10,000.
Mula Enero hanggang 10, nasa 38 plaka na ang naipuslit.
