Ni Estong Reyes
MATINDING hinimok ni Senador Grace Poe ang publiko na ibasura ang pekeng peoples initiative ni House Speaker Martin Romualdez na magsisilbi lamang sa pansariling interes ng pulitiko kaysa lutasin ang problema ng bayan.
Sa pahayag, sinabi ni Poe, isa sa lumagda sa manipessto na tumututol sa peoples initiative, na hindi kailangan ng taumbayan ang inisyatiba kundi mas higit na pagtuunan ang pagkain sa lamesa, trabaho, healthcare, edukasyon at kalidad ng pamumuhay.
“Sa bangayan dito sa pekeng initiative, inuuna na naman ng ibang tao ang politika kaysa problema ng bayan,” ayon kay Poe.
Itinuturo ng lahat ng indikasyon na si Romualdez ang promotor ng peoples initiative upang amendahan ang 1987 Constitution na higit na magbibigay ng kapangyarihan sa Mababang Kapulungan dahil lulusawin ng panukala ang kapangyarihan ng Mataas na Kapulungan .
“Isa lang naman ang solusyon dyan: tigilan nyo na itong pekeng initiative. We, in the Senate, are ready to work and focus on the things that matter––and we hope the House is ready to set aside this PI and do the same,” ani Poe.
Nababalot ng suhulan ang isinusulong na signature drive para sa Charter change (ChaCha) sa pamamagitan ng P100 kapalit ng pirma upang makumbinsi ang taumbayan na lumagda sa petisyon na inilalako ng mga kongresista, ayon kay Poe.
Ikinalungkot pa ni Poe na naging problematic ang signature campaign dahil isa itong “politician’s initiative,” dahil maraming pulitiko ang nagsusulong nito na tila pagsisilbihan ang pansariling interes, hindi ng bayan.
Lumitaw sa maraming survey na hindi prayoridad ng taumbayan ang charter change, giit ni Poe.
“Bakit sinasabi namin na Pekeng Initiative ito na itinutulak ng mga politiko? Tingnan natin ang mga survey. Sabi ng isang survey regarding the issues that concern our people, 1% lang po ng ating kababayan ay nagsabi na concerned sila sa ChaCha,” aniya
Sinabi pa ni Poe na mayroon na isa pang survey nagsasabing hindi naisali ang charter change sa pangunahing alalahanin ng Filipino na dapat tugunan o lutasin ng administrasyon.
“Malinaw po na wala sa isip ng tao ang ChaCha, yet eto ang mga kasama natin sa House, sinasabi nila na nakuha na raw ang 12% na signatures na kailangan para matuloy na itong petition para sa PI. Napakalayo naman po ng 1% sa 12%; paano ba nakuha ito? Dagdag bawas?” ayon kay Poe.
“Ito ang klaro sa ating mga survey: our people have more important things on their mind. The high prices of goods. Jobs. Higher salaries. Food. Naghihirap po sila, gutom po sila,” giit ni Poe.
