Ni Romeo Allan Butuyan II
KUNG hindi naman umano kayang patunayan nina ex-president Rodrigo Duterte at Davao City Mayor Sebastian Duterte ang kanilang alegasyon laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., mas mainam umano na itikom na lamang ng mag-ama ang kanilang bibig at tumigil sa pagpapakalat ng animo’y ‘budol-budol stories’.
Ito ang tahasang sinabi ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez na nanawagan din sa pamilya Duterte na igalang si Pangulong Marcos, gaya na rin sa ginawang paggalang ng huli sa nakaraang administrasyon.
“So, unless you have proof na ‘yung mga alegasyon ninyo na kung bakit nananawagan dyan na sa ating mahal na Presidente Ferdinand R. Marcos na bumaba sa pwesto sana mag isip-isip muna kayo, mag-isip muna kayo at ilabas ‘yung mga pruweba. Kasi alam natin hindi totoo ang mga sinasabi ninyo,” ang mariing pahayag pa ni Speaker Romualdez, lider ng 300-plus strong House of Representatives.
“Uulitin ko, tigilan nyo na ‘yung mga budol-budol n’yo ‘di ba. Dapat seryoso na tayo at igalang na lang natin ang ating Presidente na nagtatrabaho ng maigi. Masipag sya at talagang tinatrabaho n’ya ‘yung magandang buhay para sa mga Pilipino,” dugtong niya.
Ayon kay Speaker Romualdez, masyadong maaga naman ang tila pagnanais ng mga Duterte na ipabagsak ang rehimen ng Presidente Marcos, na “very popular and he was elected with a bigger mandate than the former president. “Kaya’t igalang naman natin ‘yan. ‘Yan po ang mandato ng taumbayan ng Pilipinas,” tigas na sabi pa ng Leyte lawmaker.
Mariin ding pinabuulanan ni Speaker Romualdez ang mga alegasyon na binitwan ng mag-ama laban sa Punong Ehekutibo, na inilarawan pa niya bilang napakalayo umano sa katotohanan.
“Walang katotohanan ‘yan. Si Mr. former president sabi niya nasa drug list, na-check natin na never na never na si President Ferdinand R. Marcos ay nailagay sa drug list.
Kaya hindi ko alam kung nag iisto-istorya ka na naman. Tigilian mo na ‘yung budol-budol galing sa Davao,” ani Speaker Romualdez said. “Please lang dapat magkaisa ang buong Pilipinas. Baka meron kayong mga concern or issues na kailangang harapin mo ‘yung batas na baka nilabag mo noon sa administrasyon mo,” apela pa ng House Speaker.
Pagtatapos ni Speaker Romualdez, tigilan na lang ng mga Duterte ang mga patutsada ng mga ito kay Presidente Marcos, na nagtatrabaho naman ng maigi at nakikita ng buong mundo na nagkakaisa na ang Pilipinas, habang tila sa sa Davao na lamang umano gumagawa-gawa ng budol-budol na mga istorya ang mag-ama.
