Ni Romeo Allan Butuyan II
HINDI na nagawa pang umuwi sa kani-kanilang tahanan ang mga miyembro ng Southern Police District (SPD) matapos i-cite for contempt ng isang kongresista, bunsod ng di umano’y patuloy na pagsisinungaling sa pagdinig ng Kamara kaugnay ng pagdakip, pagkulong, pagnanakaw at pangingikil sa apat na Chinese nationals.
Sa pagdinig ng House Committee on Public Order and Safety, partikular na tinukoy ni House Deputy Majority Leader Erwin Tulfo ang police operation na ikinasa ng SPD sa Parañaque City noong Setyembre ng nakalipas na taon.
“All these officers present here have been lying to their teeth. May imbestigador na, lumabas na ang imbestigasyon ng PNP. Habang nagsisinungaling itong mga ito at ayaw pa nilang umamin sa kanilang panloloko at manghuhuthot, may I suggest that we cite them in contempt,” bulalas ni Tulfo.
Partikular na ikinadismaya ni Tulfo pagmamatigas at pagtanggi ng mga police officers na aminin ang nagawang pagkakamali at patuloy na pagtanggi sa partisipasyon sa kabila pa ng mga aniya’y ebidensya.
“After all, Mr. Chair, yung kwarto natin sa ibaba marami ng alikabok at walang nakatira. So kailangan na nung detention center natin ng tao para malinis ng konti,” dugtong pa ng kongresista.
Una nang sinabi ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Maj. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. sa nabanggit na komite na nasa 44 personnel mula sa SPD-Detective and Special Operations Unit (SPD-DSOU) at Parañaque Police ang kasama sa operation.
Dagdag pa ni Nartatez, nasa 34 cops na rin ang nairekomenda sumailalim sa summary dismissal proceedings, habang siyam ang hindi nakasuhan kahit sa ilalim ng administrative cases dahil sa kawalan ng sapat na ebidensya.
