Ni Lily Reyes
INIHAYAG ni Quezon City Police District (QCPD) Director P/BGen Redrico A Maranan, ang kanilang matagumpay na Anti-Illegal Drug and Anti-Crime Operations na nagresulta sa pagkakadakip sa dalawang suspek, kabilang ang isang miyembro ng Fajardo Robbery Group sa Batangas.
Kinilala ni QCPD Batasan Police Station (PS 6) chief, P/Lt. Col. Jerry Castillo, ang mga nadakip na sina Zoren Almazan, residente ng Marikina City, umano driver-bodyguard ni Paul Fajardo, ang lider ng Fajardo Robbery Group sa Batangas, at Herbert Gagalang, ng San Jose Del Monte, Bulacan, na sangkot naman sa mga carnapping at pagtutulak ng iligal na droga.
Nabatid na bukod sa pagiging supplier ng droga ni Almazan kay Gagalang, ay konektado rin ito sa serye ng mga insidente ng pagnanakaw at gun-for-hire na aktibidad. Mayroon ring nakabinbing warrant of arrest si Almazan sa kasong pagnanakaw na inisyu ng Regional Trial Court Brach 193 ng Marikina City.
Kabilang din siya sa Top 5 Drug Personality at Most Wanted Person ng Marikina City Police Station. Sangkot din siya sa mga kasong robbery at murder sa Laguna at Cabuyao noong 2013, robbery with homicide noong Nobyembre 2014 at grave coercions noong Enero 2022.
Nakuha mula sa mga suspek ang 10 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P68,000.00, isang cellular phone, isang brown coin purse, at isang Cal. 9mm Beretta na may anim na piraso ng live ammunition. Kasalukuyang nagsasagawa ng follow-up operation ang pulisya para matunton ang iba pang kasabwat ni Almazan.
