Ni ESTONG REYES
SA kabila ng tangkang pagpapatalsik sa kanya, tiniyak ni Senate President Juan Miguel Zubiri na walang balasahang magaganap sa chairmanship ng mga komite.
“There’s no revamp for any committees,” pahayag ni Zubiri, matapos umugong ang usap-usapan hinggil sa di umano’y nakaambang pagpapalit ng chairman ng Senate Committee on National Defense and Security, Peace, Unification and Reconciliation na hawak ni Senador Jinggoy Estrada.
Si Estrada ang itinuturong pasimuno ng kudetang naglalayong patalsikin si Zubiri bilang Senate President.
Kabilang na si Estrada at kapwa dating akusado sa kasong plunder na si Senador Bong Revilla sa mga senador na lumagda sa manifesto at resolusyon nagbibigay ng siento-por-syentong suporta sa liderato ni Zubiri.
Paglilinaw ni Zubiri, wala siyang kinalaman at lalong hindi rin siya nagpaikot ng resolusyong pinirmahan ng 17 senador.
“Maraming haka-haka tsismis na papalitan ako ikukudeta daw ako… I think my colleagues particularly core group, they all met one day nagpaikot sila ng manifesto of support and nagpapasalamat ako sa kanila para matigil na isyu ng kudeta so that we can focus the issue at hand,” wika pa niya.
Pasok sa talaan ng mga nagbigay suporta kay Zubiri sina Senate President Pro Tempore Loren Legarda, Majority Leader Joel Villanueva, Senador Ronald dela Rosa, Bong Go, Francis Tolentino, Sonny Angara, JV Ejercito, Sherwin Gatchalian, Grace Poe, Nancy Binay, Raffy Tulfo at Mark Villar.
Wala pang pahayag na inilalabas ang mga tanggapan nina Senador Cynthia Villar, Imee Marcos, Pia at Alan Cayetano at Francis “Escudero kaugnay ng kanilang hindi pagpirma.
