Ni JAM NAVALES
HINIMOK ni AGRI Partylist Rep. Wilbert T. Lee si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na simulan na ang paglilinis sa loob ng National Food Authority (NFA) kung saan kabi-kabila ang “milagro.”
Gayunpaman, nilinaw ni Lee na hindi sapat na sibakin sa pwesto ang mga korap at bulilyhasong opisyales at kawani ng naturang sangay ng gobyerno. Mungkahi ng partylist solon, sampolan ang mga korap sa naturang ahensya.
Ginawa ni Lee ang panawagan matapos maglabas ng suspension order ang Office of the Ombudsman laban sa 139 na NFA officials at personnel, sa pangunguna mismo ni NFA Administrator Roderico Bioco kaugnay ng pagbebenta ng 75,000 sako ng rice buffer stock ng ahensya.
“Malaking kasalanan ang paglustay sa supply ng bigas, lalo pa napakamahal ng presyo ng pagkain at mga pangunahing bilihin ngayon,” giit ng Bicolano lawmaker.
“In order to restore the trust of the public in the NFA, there needs to be a revamp and the first step to that is to remove all officials involved in anomalies,” aniya.
Sa gitna ng naturang usapin, inihain ni Lee ang House Resolution 1625, na nagsusulong ng isang congressional inquiry hinggil sa tinaguriang ‘Bigas Scam.’ Target din ng resolusyon ni Lee pag-aralan ang umiiral na polisiya at panuntunan ng NFA hinggil sa pagbebenta ng bigas na sadyang inilaan para ibenta sa mga maralitang pamilya.
“There is a need to identify any gaps or loopholes in the existing policies of NFA. Kailangang linawin ang mga polisiya, tuldukan ang mga kalakaran na ugat ng katiwalian, at panagutin ang mga corrupt na dumadagdag lang sa pasanin ng taumbayan,” mungkahi pa ni Lee.
Ani Lee, higit na angkop maging mas maingat ang Pangulo sa pagtatalaga ng mga opisyales sa NFA.
“Sa panahon na hirap ang ating mga magsasaka sa ani dahil sa epekto ng El Niño, kailangan natin ng mamumuno sa NFA na walang bahid ng korapsyon. Kung maayos lang sana ang pamahahala ng buffer stock ng bigas, mababawasan ang pag-angkat natin nito,” aniya pa.
“Kailangan natin ng mga lider na tapat na maglilingkod at magtatrabaho para maging Winner Tayo Lahat,” mariing sabi pa niya.
“Ang dapat na tutok natin ay kung paano mababawasan ang pangamba ng ating mga kababayan pagdating sa kanilang kabuhayan, kita, pagkain, at lalong-lalo na sa kalusugan, hindi yung ang mga nasa gobyerno pa ang dahilan ng pagbigat ng kalbaryo ng mga Pilipino,” pagtatapos ni Lee.
