BANGUNGOT ang inabot ng isang Koreana na mistulang parausan ng among Korean national sa loob ng mahabang panahon.
Sa ulat ng Pasay City Police, arestado ang 41-anyos na suspek na kinilala lang sa pangalang Hyeong Bin, matapos masagip sa isang operasyon ang 23-anyos na biktima sa isang condominium unit sa kahabaan ng Macapagal Avenue, Pasay City.
Ayon kay Pasay City police chief Col. Mario Mayames, Jr., ginawa umanong isang sex slave ng suspek ang biktima matapos pwersahang pagamitin ng droga.
Ani Mayames, nakipag-ugnayan di umano ang Korean Embassy sa Philippine National Police (PNP), batay sa sumbong ng ama ng biktimang minsan nagkaroon ng pagkakataon tumawag para humingi ng saklolo sa pambababoy ng ginagawa ng kababayang amo.
Agad na ikinasa ng pulisya ang operasyon matapos matunton ang kinaroroonan ng suspek at biktima.
Narekober sa isinagawang operasyon ng pulisya sa condo unit ng suspek ang santambak na droga. Kasalukuyang nakapiit sa Pasay City Police Custodial Facility ang suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act) at RA 11648 (Act Providing for Stronger Protection Against Rape and Sexual Exploitation and Abuse).
