Ni ESTONG REYES
BALIK sa sentro ng kontrobersiya ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) matapos mabisto ang pagtama ng isang lotto bettor ng 20 ulit sa loob lang ng isang buwan.
“Yung PCSO nagbigay ho sa akin ng listahan na siguro 1,000 pages iyon baka 2,000 sobrang kapal. Ang BIR wala pa… Ito nga po ang nasabi ko medyo nakakataas ng kilay, meron doon na isang tao nanalo ng 20 times in one month. Meron doon nanalo 10 times in one month,” pagsisiwalat ni Senador Raffy Tulfo pagkatapos suriin ng Senate Committee on Games and Amusement ang pangalan ng mga nanalo sa lotto.
Sa naturang pagrerebisa, lumabas na isang pangalan lang ang wagi sa lotto jackpot sa loob lang ng isang buwan.
“Siguro baka magkapangalan pero still pare-pareho yung premyong pinanalunan. Kunwari six-digit, nananalo siya ng 4-digit, nananalo siya ng 2-digit. Paulit-ulit in one month,” wika pa ng senador.
“Lalong dumami, lalong tumambak ang mga questions (sa lotto draw),” hirit pa ni Tulfo.
Nakatakda rin imbestigahan ng senate committee ang kontrobersiya sa mga bunutan ng lotto, partikular sa e-lotto kung saan mahigit kalahating bilyong piso ang nahagip na premyo noong mga buwan ng Disyembre 2023 at Enero ngayong taon.
“Bakit tuwing draw, may nananalo na ngayon? Walang mintis. Samantalang noong panahon na wala pang e-lotto, ang tagal bago tamaan ang jackpot. Inaabot ng isang buwan, dalawang buwan, kaya ang ginagawa nila kinakargahan pa nila ang premyo para mas lalong lumaki,” wika ni Tulfo.
Hugas-kamay naman si PCSO General Manager Mel Robles kasabay ng pangakong sisilipin ang naturang impormasyon.
“I wouldn’t know [that]. Ako, personally, hindi ko po tinitignan yun. Pero I’ll check, I’ll look into that kung meron pong ganon, kasi hindi naman po kami tumitingin na niyan after namin maibigay.”
