Ni ESTONG REYES
PARA kay Senador Sonny Angara, napapanahon nang amyendahan ang Government Procurement Reform Act (GPRA) na akda ng yumaong ama sa hangaring tuldukan ang korapsyon at red tape sa mga transaksyon ng pamahalaan.
Sa isang pahayag, nanindigan si Angara na magbubunga ng positibong pagbabago sa mga programa at proyekto ng gobyerno ang isinusulong na amyenda sa Republic Act 9184 na isinabatas may 20 taon na ang nakalipas.
Matapos ang tatlong pagdinig, 10 technical working group meetings at ilang buwan ng konsultasyon partikular na isinusulong ni Angara ang Senate Bill 2593 na kabilang sa priority measures ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC).
“Ang R.A. 9184 na iniakda ng aking yumaong ama na si dating Senate President Edgardo Angara ay isang napakalaki at napakahalagang batas. Kinilala at umani ito ng samu’t saring papuri hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa iba’t panig ng mundo, kabilang na ang World Bank. At bagaman nagawa ng batas na ito na ipatupad ang mga importanteng reporma sa government procurement process, nakahanap pa rin ng paraan ang mga tiwaling indibidwal sa gobyerno na naging dahilan upang bilyon-bilyong piso ang masayang dahil sa korapsyon at sa pagpapabaya ng mga kinauukulan,” ani Angara.
“May mga ahensya tayo ng gobyerno na sa procurement of basic supplies pa lamang ay inaabot na nang napakahabang panahon bago nila makumpleto. Ibig sabihin, walang mahusay na kompetisyon ng bidders at madalas sablay ang procurement of goods ng mga ahensyang ito dahil marahil sa poor planning o kaya naman ay dahil tali sila sa isinasaad ng batas,” saad pa ng senador.
Batay sa pag-aaral ng World Bank noong 2019 sa Philippine procurement data, papalo sa 29 porsyento ang matitipid ng gobyerno kung magagawa ng pamahalaan lumikha ng angkop na procurement strategies.
Sa datos ng World Bank, lumalabas na P1.2 trilyon sana ang natipid ng gobyerno mula 2014 hanggang 2019 kung naamyendahan agad ang umiiral na government procurement law.
