Ni JAM NAVALES
HINIMOK ni AGRI Partylist Rep. Wilbert Lee ang Department of Agriculture (DA) na tutukan ang pananaliksik at paglikha ng climate-resilient varieties ng mga iba’t-ibang pananim bilang solusyon sa matinding epekto ng El Niño phenomenon.
Ang panawagan ay ginawa ng Bicolano lawmaker kasunod na rin sa ulat ng DA na umabot na halagang ₱1.75 billion ang pinsala sa agrikultura dala ng nararanasang tagtuyot kung saan mahigit 32,000 ektarya ng pataniman at 30,000 local farmers ang labis na naapektuhan.
“Panahon na upang pagtuunan natin ng pansin ang pagdevelop ng climate-resilient na palay at mais para maibsan ang epekto ng El Niño sa hinaharap,” giit ni Lee.
“Mayroon nang mga naunang pag-aaral ang IRRI (International Rice Research Institute) sa climate-resilient rice na kayang mag tolerate sa extreme climate conditions. We just need to adopt and build on this technology in order for our farmers to benefit from it,” dagdag pa niya.
Ani Lee, ay IRRI ay matagumpay na nakatuklas ng drought-tolerant rice varieties na ipinamahagi sa ilang mga bansa kabilang na rito ang Sahbhagi Dhan sa India, ang Sahod Ulan sa Pilipinas at Sookha Dhan varieties sa Nepal.
Ang naturang institusyon ay nagsasagawa rin umano ng pag-aaral para naman sa flood-tolerant rice varieties at ito ay ipinagkaloob at nakatanim ngayon sa ilang mga lugar gaya ng Swarna Sub1 sa India, Samba Mahsuri naman sa Bangladesh, at IR64-Sub1 dito sa bansa.
“Mayroon din pag-aaral ang United States Department of Agriculture (USDA) tungkol naman sa drought-tolerant (DT) corn. I suggest we propose a knowledge exchange of sorts para mapakinabangan nila ang pag-aaral natin sa palay at makuha naman natin ang teknolohiya nila sa mais,” paglalahad pa ni Lee.
Nabatid naman na ang DT corn varieties ay ginagamit na ng US farmers noong taong 2011 at 2013 matapos ang ilang dekada ng pananaliksik ng mga breeder at plant scientist para sa pagkakaroon ng drought tolerance crops.
“We need to utilize and maximize all available agricultural technologies so as to make our farmers—our food security soldiers—more resilient to climate change,” apela pa ni Lee.
“Ang dulo nito, makakatulong ang climate resilient crop varieties sa pagkamit ng food security. At kapag natiyak natin ang food security, siguradong Winner Tayo Lahat,” wakas na pahayag ng mambabatas.
