Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
HINIMOK ni House Committee on Overseas Workers Affairs Chairman at KABAYAN Partylist Rep. Ron P. Salo ang Department of Foreign Affairs (DFA) na gumawa ng paraan para mabigyan ng executive clemency ang mga Pinoy workers na pinatawan ng parusa bunsod ng mga kaso sa bansang pinagtatrabahuhan.
Para kay Salo, dapat samantalahin ng DFA ang nalalapit na pagtatapos ng holy month ng Ramadan, kung kailan aniya mas masidhi ang pagbibigay ng kapatawaran sa mga Muslim states.
“As Ramadan nears its end, we urge the DFA and Philippine Embassies in Muslim countries to make the necessary representation and actively intercede on behalf of our kababayans who are facing sentences abroad,” giit ng House panel head.
Base sa datos ng DFA, Marso ng nakaraang taon nang pumalo sa 83 OFWs ang nasa talaan ng death row, habang 1,267 ang nakakulong kung saan pinakamalaking bilang ang nasa Middle East at iba pang Muslim countries.
Ani Salo, alinsunod na rin sa tradisyon, mayroong mga Muslim leaders na sa panahon ng Ramadan ay nagkakaloob ng royal clemency, kabilang dito ang pagpapababa sa iginawad na kaparusahan o kaya’y tuluyang pagbibigay ng pardon o kalayaan, na pagpapakita na rin ng kabutihan, pakikidalamhati at pagpapatawad na tampok sa banal na buwan.
Kaya naman umaasa ang KABAYAN partylist lawmaker na bukod sa DFA, ang iba pang ahensya ng pamahalaan – partikular ang Department of Migrant Workers (DMW), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at Commission on Filipinos Overseas, iba pang non-government organizations, at maging ang kaanak ng convicted OFWS ay higit na magiging aktibo para sa paghingi ng clemency.
“It is a collective effort that requires the support and prayers of our entire nation. We stand in solidarity with our overseas Filipinos and their families during this challenging time, hoping for their eventual return to our home,” pagtatapos ni Salo.
