Ni JAM NAVALES
SA hangaring isulong ang kapakanan at kabuhayan ng mga lokal na mangingisdang umaasa sa karagatan, hinikayat ng isang kongresista ang mga kapwa mambabatas na pagtibayin ang panukalang magbibigay-daan para sa pagtataguyod ng mga pasilidad sa bahagi ng West Philippine Sea at Benham Rise.
Sa isang kalatas, nagpahayag din ng suporta si Agri partylist Rep. Wilbert Lee kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kaugnay ng nilagdaan Executive Order 57 na layong paigtingin ang seguridad sa nasasakupang karagatan sa gitna ng patuloy na pambabarako ng China sa West Philippine Sea.
Para kay Lee, malaking bentahe sa mga lokal na mangingisda kung magkakaroon ng mga nasabing istraktura partikular sa karagatang sakop ng Pilipinas, sa paniwalang panatag na makapag hanapbuhay ang Pinoy fishermen kung may mga permanenteng pantalan sa iba’t ibang bahagi ng West Philippine Sea at maging sa Benham Rise.
Sa ilalim ng House Bill 9011 (Fishing Shelters and Ports Act) na inihain ni Lee, inaatasan ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), sa pakikipag-ugnayan sa Department of National Defense (DND) at iba pang ahensya ng pamahalaan, na maglagay ng fishing shelters at ports sa occupied maritime features ng bansa sa WPS at Philippine Rise.
Kabilang sa mga target lagyan ng fishing shelters at ports ang mga isla ng Lawak, Kota, Likas, Pag-asa, Parola, Panata, Patag, Rizal Reef, at Ayungin Shoal.
Paliwanag ng kongresista, layon ng mga naturang istruktura maging takbuhan ng mga binabarakong mangingisdang Pinoy.
“Hindi po tayo pwedeng magsawalang kibo na lang sa pambubully sa atin ng dayuhan sa ating sariling bakuran. Kailangang protektahan ang buhay at kabuhayan ng ating mga mangingisda, at suportahan ang ating kasundaluhan na buwis-buhay na nagbabantay at nangangalaga sa ating teritoryo,” giit ng Bicolano lawmaker.
Nanindigan rin ang kongresista na ang naturang panukala ay naaayon EO na nilagdaan ni Presidente Marcos kamakailan, partikular ang pagbuo ng National Maritime Council (NMC) sa layuning mapalakas ang maritime security at maritime domain awareness ng bansa.
Kumbinsido ang Agri partylist solon na dapat na pagtibayin sa lalong madaling panahon ang inihaing panukalang aniya’y nagtataguyod sa soberanya at nagbibigay proteksyon sa mga Filipino fisherfolks sa karagatang pasok sa 200-nautical mile Philippine Exclusive Economic Zone.
“Nakataya dito ang integridad ng ating teritoryo, ang dignidad at kabuhayan ng Pilipino. This measure can sustainably ensure and send a loud message that the WPS and the Philippine Rise are ours, atin ito!” Tigas na pahayag pa ni Lee.
“Winner Tayo Lahat sa pagsasabatas ng panukalang ito, kung saan matutugunan ang banta sa kabuhayan, mababawasan ang pangamba sa gutom at alalahanin na walang panggastos sa panahon ng pangangailangan tulad ng pagkakasakit sa pamilya.”
