Ni ESTONG REYES
WALANG bisa at hindi kikilalanin ng Pilipinas ang anumang kasunduan na pinasok ng sinumang dating opisyal ng pamahalaan sa dayuhan kung walang sapat na dokumento na pinagtibay ng Kongreso, ayon kay Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III nitong Biyernes.
Ganito ang reaksyon ni Pimentel matapos maghain si Senate Deputy Minority Leader Risa Hontiveros ng isang resolusyon nagsusulong imbestigahan ang tinaguriang “gentleman’s agreement” sa pagitan nina dating Pangulong Rodrigo Duterte at Chinese President Xi Jinping hinggil sa pag-aalis ng BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
Target ni Hontiveros imbestigahan ang punong dahilan sa likod ng pangako ni Duterte na tatanggalin ang BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
Giit pa ng militanteng senador, nagbigay-daan sa panggigipit ng China sa pagkukumpuni at rehabilitasyon ng barko ang naturang pangako.
“Ang gusto kong sabihin, it could be unconstitutional, it could be unlawful but definitely it is void. It is void. Mabuti rin siguro, this hearing will have a purpose in the sense that all foreign nations monitoring our hearings will get to know that should something like this happen in the future, that is void,” wika naman ni Pimentel.
“A single Filipino, no matter the position in government, cannot bind the country in an informal, unwritten, unrecorded agreement. So-called agreement. That should be the conclusion of the hearing,” giit pa ng senador.
Kahit aniya dating Pangulo ang pumaloob sa isang kasunduan, hindi maaaring kilalanin ng pamahalaan ang informal agreement – hindi nakasulat at walang dokumentong kasunduan.
“Malay mo kailangan may concurrence ‘yan. How can the concurrence be given in a he-said she-said scenario, di ba?” aniya pa.
Paliwanag ni Pimentel, kailangan ang pagsang-ayon ng kongreso sa mga tratado… kaya hindi maaaring tawagin itong tratado.”
“Mga ganyan basta’t mga ganyang scenario, void na po yan. Lalo na bina-bind niyo po ang isang bansa. That is void. But the point is there is no record, so therefore it does not exist.”
