Ni ESTONG REYES
MAS makabubuti para sa lahat na pag-usapan ang pag-amyenda sa 1987 Constitution pagkatapos ng 2025 National and Local Elections (NLE), ayon kay Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III.
Sa isang pulong-balitaan, muling iginiit ni Pimentel ang oposisyon sa charter change (ChaCha) sa ngayon sa gitna ng kontrobersyang bumabalot sa pekeng people’s initiative (PI) na isinulong ni House Speaker Martin Romualdez.
“Ang feeling ko. [it is] better not to open this door or this box, because it might lead to unintended or unforeseen consequences… Under this context or given the situation, magdududa ka na sa lahat ng efforts to amend the Constitution at this moment because we are dealing with the same people, parehas lang ang tao na involved,” ayon kay Pimentel.
“Although I am open to constitutional amendments, ‘wag na muna ngayon with the same set of legislators. After the 2025 elections ‘yun na. Bagong set of legislators,” dagdag niya.
Gayunpaman, sinabi ni Pimentel na kung sakaling mahalal muli ang kinatawan sa Kongreso na sumusuporta sa PI, dapat igalang ang mandato ng mamamayan.
“If the members of the House of Representatives get reelected and especially when we use this as a political issue, yung pag back-up nila sa people’s initiative, if that becomes a political issue during the campaign, and then they still get reelected, then okay na yon. Let us respect the new mandate of the people,” aniya pa.
Binanggit din ng senador ang pinakahuling resulta ng Pulse Asia survey kung saan lumabas na 88% ng mga Pinoy ang kontra sa pag-amyenda sa 1987 Constitution.
“Parang na-confirm ang aking gut feeling na yan nga ang sentimyento ng taumbayan na, wag ngayon lalo na nung ginamit ang people’s initiative…May under current, may mga malalakas na tao… na gustong gamitin ang pangalan ng taumbayan para makamit ang kanilang agenda,” dugtong pa ng senador.
“Kaya iwas muna tayo ngayon, kung ganyan ang current situation… wag natin buksan itong taon na ito,” giit pa niya.
Kasalukuyang tinatalakay ng Senate subcommittee on constitutional amendments and revision of codes sa pamumuno ni Senador Sonny Angara ang Resolution of Both Houses No. 6 na nakatuon sa pag-amyenda ng economic provisions ng Saligang Batas.
