Ni EDWIN MORENO
HINDI umubra ang tsapa at sasakyang pampatrolya sa mga traffic enforcers ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) matapos tuluyang tikitan ang tatlong miyembro ng Philippine National Police (PNP) matapos baybayin ang exclusive bus lane sa kahabaan ng ERDSA.
Bukod sa multang kalakip ng citation ticket, kinumpirma rin ni PNP spokesperson Col. Jean Fajardo na sinibak na sa pwesto ang tatlong hindi pinangalanang PNP personnel.
Gayunpaman, nagbigay ng pahaging na impormasyon si Fajardo. Aniya, nakadestino sa Police Security and Protection Group at Aviation Security Group ang mga sinibak na kabaro.
Kwento pa ng tagapagsalita ng pambansang pulisya, huli sa akto ang tatlong pulis habang binabaybay ang EDSA Carousel sakay ng PNP marked vehicles nito lang nakalipas ng Biyernes.
Paalala ng opisyal sa mga kapwa pulis, pwede lang aniyang gamitin ng PNP ang EDSA bus lane para sa pagresponde at lehitimong police operations.
Pag-amin pa niya, hinahanda na rin ang pagsasampa ng kasong administratibo laban sa mga kabaro niyang bulilyaso.
Kamakailan lang, huli din MMDA traffic enforcers sa EDSA bus lane ang sinasakyang bullet proof armored vehicle ni dating Ilocos Sur Gov. Chavit Singson.
