SA gitna ng patuloy na pagsisikip sa daloy ng trapiko sa mga lansangan, ipinag-utos ng Pangulo na isagawa ang mga roadworks and repair ng mga kalsada sa gabi sa para di makaabala sa dagsa ng motorista sa araw.
Gayunpaman, nilinaw ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi kasama ang mga paggawa ng tulay sa kanyang direktiba. Paliwanag ng punong ehekutibo, masyadong malaki ang gastos ng pamahalaan sa mga proyektong kumakain ng mahabang panahon.
Pagtitiyak ni Marcos, patuloy na hinahanapan ng solusyon ng pamahalaan ang lumalalang problema sa traffic congestion.
“Isa ito sa mga estratehiyang dapat na suriin para mapaganda ang daloy ng trapiko at hindi mahirapan ang mga commuters at stakeholders at hindi rin maubos ang oras kahihintay ng sasakyan para makauwi lang.”
Kamakailan lang, hiniling ng Management Association of the Philippines sa Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magdeklara ng state of calamity sa Metro Manila bunsod ng patuloy na lumalalang traffic congestion.
Sa pag-aaral na isinagawa ng JICA, lumalabas na P3.5 bilyon kada araw (katumbas ng P1.27 trilyon kada taon) ang nawawala sa ekonomiya dahil sa mabigat na daloy ng trapiko sa Metro Manila.
