
SA layuning puksain ang anay sumisira sa pundasyon ng kawanihan, sinibak na sa kani-kanilang pwesto ang hindi bababa sa 26 tauhan ng Bureau of Corrections (BuCor), ayon kay Director General Gregorio Catapang Jr.
Sa isang kalatas, muling nagbabala si Catapang laban sa aniya’y sangkot sa katiwalian, mga pabaya sa tungkulin at dawit sa ilegal na aktibidad. Aniya, bilang na ang kanilang araw sa kawanihan sa gitna ng mga repormang inilatag sa ahensya.
Ayon kay Catapang, kabilang sa 26 kawaning sinipa palabas ng bakuran ng BuCor yaong mga napatunayan ng BuCor Internal Affairs na nagkasala sa kasong “grave misconduct at gross neglect of duty.” Hindi nabanggit sa kalatas ang iba pang detalye ng kinasangkutang bulilyaso.
Gayunpaman, nilinaw ng BuCor chief na hindi pa tapos ang paglilinis sa kawanihan. Katunayan pa aniya, may mahigit 100 BuCor personnel ang patuloy na iniiimbestigahan bunsod ng parehong kaso.
Babala ni Catapang, magpapatuloy ang ang paglilinis sa ahensya upang maiwasan malagay sa kontrobersiya ang kawanihan bunsod ng mga bulilyasong nangyari sa ilalim ng pamumuno ni dating BuCor director general Gerald Bantag n a pangunahing suspek sa pagpatay kay broadcast journalist Percy Lapid noong Oktubre 2022.
Subalit hindi naman aniya lahat sablay sa kawanihan. Katunayan, 129 BuCor personnel ang binigyan ng angkop na pagkilala sa paraan ng promotion – kabilang ang 2 Corrections Chief Superintendents, Corrections Superintendent, Corrections Technical Chief Inspectors, Corrections Chief Inspectors, Corrections Senior Officer IV, Corrections Officers II, Corrections Technical Officer II at Non-Uniformed Personnel.