
WALANG plano ang Energy Regulatory Commission (ERC) na palampasin ang kabi-kabilang perwisyong dulot ng kapalpakan ng mga kumpanyang pasok sa paglikha ng enerhiya.
Sa isang kalatas, inamin ng ERC na gumugulong na ang imbestigasyon sa 29 power generating companies sa paniwalang may mga paglabag ang mga naturang kumpanya sa panuntunan hinggil sa outage allowance na nagbibigay limitasyon sa brownout.
Partikular na tinukoy ni ERC chairperson Mona Dimalanta ang patay-sinding supply ng kuryente noong mga buwan ng Abril at Mayo.
Katunayan pa aniya, may limang power generating companies na ang nakitaan ng mga paglabag sa outage allowance na nakasaad sa kontrata sa pagitan ng pamahalaan (na kinakatawan ng ERC) at ng mga naturang kumpanya.
Nasa 25 kumpanya pa di umano ang sumasailalim sa imbestigasyon ng ahensya – bukod pa sa iba pang power companies na patuloy na binubusisi ng ERC.
Pangako ng ERC chief, isasapubliko ang resulta ng imbestigasyon ngayong buwan ng Hunyo.
Taong 2023 nang patawan ng parusang multa ng ERC ang 14 power generation companies.