MANANATILING 3-star general ang kasalukuyang hepe ng pambansang pulisya, maliban na lang kung lalagda sa optional retirement si dating Philippine National Police (PNP) chief Gen. Nicolas Torre III.
Sa isang panayam kasabay ng inspeksyon sa Bayanihan sa Estero Program sa Valenzuela City, nilinaw ni Torre na hindi pa siya nagsumite ng aplikasyon para sa optional retirement sa serbisyo bilang pulis – sa kabila ng pagtanggap sa bagong posisyon bilang general manager ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Para kay Torre, kailangan muna pag-usapan ang isyu sa organisasyon.
“I don’t have any applications to sign. So let’s leave it at that for now because my bosses and I will talk first,” wika niTorre.
Una nang sinabi nina Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Jonvic Remulla at ng National Police Commission (NAPOLCOM) na naghain na umano si Torre ng optional retirement.
Sa ilalim ng umiiral na reglamento, isa lang ang 4-star rank general sa PNP — ranggong nananatili kay Torre sa kabila ng pagsibak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Hunyo ng nakalipas na taon.
Pinalitan ng Pangulo si Torre bunsod ng hidwaan kay Remulla at Napolcom Vice Chairman Rafael Calinisan kaugnay ng kontrobersyal na P8-billion budget insertion na tinabla ng noo’y PNP chief. (LILY REYES)
