TULAD ng inaasahan, wala rin sa database ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang pangalan ng iba pang nakalagda sa acknowledgement receipts na sinasabing patunay sa pinagkagastusan ng confidential funds na inilaan ng Kongreso sa Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd).
Partikular na tinukoy ni Manila 3rd District Rep. Joel Chua ang resulta ng pagsusuri ng PSA sa 677 kataong nakapirma sa mga liquidation report na isinumite ng OVP at DepEd sa Commission on Audit (COA).
Ayon kay Chua na tumatayong chairman ng House Committee on Good Government and Public Accountability, 405 pangalan ang lumalabas na kathang-isip lang para itago ang katiwalian.
“Tayo po ay sumulat upang isumite ang 677 pang pangalan na nakalagay sa acknowledgment receipts ng DepEd kung saan tayo po ay binigyan ng tugon ng PSA, dated December 8, 2024. At dito, kanila pong sinasabi na out of 677 individuals, 405 ay walang birth certificate o walang record of birth o pwede nating sabihin na non-existent,” pahayag ng House panel chair.
Pirmado ni National Statistician at Civil Registrar General Claire Dennis Mapa ang dokumentong tugon sa liham ng komite sa PSA.
Nasa 445 naman ang walang marriage certificates, habang 508 naman ang walang death certificates.
“This indicates that other individuals subject to verification have one or more matching records in the civil registry,” saad pa ni Chua. (Romeo Allan Butuyan II)
